INILABAS na ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) ang baryang P20 na papalit sa papel na bersiyon ng pera, gayundin ang bagong disenyo ng P5 coin.
Ayon kay BSP Assistant Governor Dahlia Luna, maglalabas sila sa publiko ng 500,000 piraso ng P20 coin bago mag-Pasko.
Mas malaking bulto, aniya, ang ipalalabas nila sa unang quarter ng 2020 kasabay na rin ng P20 bank notes hanggang maubos na ang supply nito sa 2021.
Bago sumapit ang araw ng Pasko sa susunod na linggo, naipakalat na ng central bank ang P10 milyong halaga ng P20 coin.
Sa baryang P20, nakalagay pa rin sa harap ang mukha ni Pangulong Manuel L. Quezon, ang unang pangulo ng Philippine Commonwealth, at naka-display naman sa likod ang logo ng BSP at Palasyo ng Malakanyang, gayundin ang halaman na ‘Nilad’ na pinaghugutan ng Maynila, ang kapitolyo ng bansa.
Ang bagong P5 coin naman ay may nonagon nang hugis o may siyam na gilid o kanto. Binago ang disenyo nito para maiwasan ang kalituhan sa ibang barya.
May mga security feature din ito at nakaimprenta ang letrang mga BSP sa gilid ng barya.
Paliwanag ng BSP, makatitipid ang pamahalaan sa paggawa ng baryang P20 kaysa papel dahil sa nasa P2 ang ginagastos ng gobyerno sa pag-imprenta ng papel na P20, na tumatagal lang ng 3 hanggang 6 na buwan.
Posibleng tumagal ng 10 taon ang baryang P20 na nagkakahalaga ng P10 kada piraso.
Kahit may bagong P5 barya, hindi pa rin made-demonitize o mawawalan ng halaga ang mga luma ni-tong disenyo.
Comments are closed.