BASAAN SA SILANGAN ONE

CAVITE-MATAPOS ang 2 taong pagkakaantala dulot ng pandemya, muli na namang masasaksihan ang masayang Basaan Sa Silangan One, kasabay ng pagdiriwang ng Kapistahan ni San Juan Bautista sa Barrio Silangan 1 ng bayan na ito.

Ang masayang basaan habang umiindak sa saliw ng tugtog ng karakol ay sasabayan pa ng iba’t ibang palarong Pinoy, Silangan Got Talent, at marami pang iba.

Taong 2017 nang una itong isinagawa sa nasabing barangay sa pangunguna ni Brgy. Capt. Jonjon Cupino. Nagtuloy-tuloy ito hanggang dayuhin na ng mga tao.
“inaaanyayahan ko po ang lahat na makisaya dito sa aming barangay. Sabay-sabay po tayong humiyaw at sumayaw at salubungin ang napakasayang basaan sa silangan one”, paanyaya ni Cupino.

Kinasasabikan din ang malalakas na hiyawan at masayang basaan habang bumubuhos ang tubig na nagmumula pa sa fire truck.

Samantala, sa unang pagkakataon ang kalye ng Rodriguez ng Brgy. Ligtong 2 at kalye Bagong Silang ng Brgy. Ligtong 1 ay nagsasagawa na rin kahapon ng sariling bersyon ng basaan sa pangunguna ng kanilang pangulo na si Tessie Atangan.

Ang kalye ng Rodriguez at Bagong Silang ang itinuturing ngayong pinakamalinis ng kalye sa buong bayan ng Rosario. SID SAMANIEGO