BASAG KOTSE GANG LEADER LAGLAG SA AWTORIDAD

BASAG KOTSE

CAVITE – BUMAGSAK din sa kamay ng batas ang sinasabing notoryus Basag-Kotse Gang leader habang nakatakas naman ang kasabwat nito makaraang masakote ng mga awtoridad sa  police operation sa bahagi ng Tagaytay City, kahapon ng tanghali.

Isinailalim sa tactical interrogation ang suspek na si Von Christian De Leon Magcanan, 32, ng Barangay 253, Tondo, Manila habang natugis naman ang kasabwat na si Mark Fernandez kung saan nagawang makatakas sakay ng itim na motorsiklo na may plakang 7856 XZ.

Base sa ulat ng pulisya, ang modus operandi ng grupo ni De Leon ay sa National Capital Region (NCR), Region 3 at Region 4A kabilang na ang  Batangas, Laguna at Cavite.

Sa ulat ni P/Supt. Vicente Cabatingan, lumilitaw na noong Oktubre 24 ng gabi ay binasag-kotse ng mga suspek ang isang Mitsubishi Montero na naka-park sa Veal Burger Restaurant sa kahabaan ng Molino Blvd. sa Brgy. Bayanan, Bacoor.

Nilimas ng mga suspek ang gamit ng may-ari ng  SUV subalit sa pamamagitan ng GPS ng Ipad ng biktima ay natunton ng SWAT team ang kinalalagyan ng grupo ni De leon.

Nasamsam kay De Leon ang anim na bag na may iba’t ibang pangalan, at 10 plastic sachet ng shabu (1.78 grams) na nakatago sa underwear nito.

Lumilitaw sa isinalaysay ng suspek na sa loob ng isang araw ay nakapambiktima sila sa bayan ng Sto. Tomas, Batangas, sa Calamba City, Laguna at sa Dasmariñas City, Cavite.        MHAR BASCO

Comments are closed.