BASILAN BOMBING KINONDENA NG MALAKANYANG

MARIING kinondena ng Malakanyang ang pag-atake ng mga tero­rista sa Basilan na ikinasawi ng 11 katao at pagkasugat ng  iba pa.

Agad namang inatasan ang Armed Forces of the Philippines at Philippine National Police na pag-ibayuhin ang kanilang intelligence capabilities.

“We condemn in the strongest possible terms the latest terrorist attack in Basilan perpetrated in violation of our laws. Authorities are now investigating the incident even as we vow to bring the perpetrators of this brazen attack to justice,” sabi ni Presidential Spokesman Harry Roque.

Sinabi ni Roque, iniimbestigahan na ng mga awtoridad ang insidente at tinitiyak nilang maihaharap sa hustisya ang mga responsableng terorista.

Ang insidente ay naganap sa mismong araw ng ika-68 anibersaryo ng National Security Council at National Intelligence Coordinating Agency.

Base sa ulat ng Armed Forces of the Philippines (AFP), kabilang sa mga nasawi ay mi­yembro ng Citizen Armed Force Geographical Unit (CAFGU) ang bomber, detachment commander ng 19th Special Forces, isang babae at isang bata habang sugatan naman ang 5 scout rangers kabilang ang isang  lieutenant.

Nakasaad pa sa ulat, pinahinto ang isang van sa checkpoint ng Cafgu sa Barangay Bulanting, Lamitan, Basilan bandang alas-5:30 ng umaga kanina dahil sa kaduda-dudang kilos ng drayber nito.

Habang nakahin­to ang van at hinihintay ang military back-up ay biglang sumabog ang bomba sa loob ng sasakyan at halos magutay ang mga nasawing Cafgu members.

“A driver of a 10-seater van who looked like a foreigner and cannot speak a local dialect, who could not even speak Tagalog, Yakan or English, was intercepted at Bulanting checkpoint. Cafgus held the driver for further questioning. Other Cafgus sought help from senior official to ask further questions from the driver. When the lieutenant approached the van, it suddenly went off,” ayon pa sa ulat ng militar. EVELYN  QUIROZ

Comments are closed.