BASILAN HARI SA VISMIN SUPER CUP

SIKSIK, liglig, uma­apaw ang suwerte ng Jumbo Plastic-Basilan sa iniiwasang Friday the 13th’.

Tunay na buwenas ang hatid sa Mindanao leg champion Peace Riders matapos gapiin ang Visayas leg titlist KCS-Mandaue, 83-65, Biyernes ng gabi para makumpleto ang makasaysayang sweep at tanghaling Southern Finals champion ng 2021 Chooks-to-Go Pilipinas VisMin Super Cup sa Pagadian City Gymnasium sa Zamboanga del Sur.

Nakopo ng Jumbo Plastic-Basilan ang kampeonato sa malinis na 3-0 marka sa best-of-five series. Sa Mindanao leg, winalis din ng Peace Rid-ers ang torneo (12-0) sa kanuna-unahang professional basketball league sa South.

Maliban sa opening frame kung saan nakaabante ang KCS, 23-20, hindi na nakaporma ang Mandaue nang magsimulang rumatsada ang opensa ng Peace Riders para isara ang halftime sa 43-40.

Sinundan ng Mindanao champs ang hataw sa dominanteng 15-0 run para sa 28 puntos na kalamangan, 58-30, sa kalagitnaan ng third period. Wala nang nagawa ang KCS kundi panoorin ang pakikipagtipan sa kasaysayan ng Basilan.

“Talagang napakasarap nitong championship na ito kasi ang hirap ng basketball ngayong pandemic. We are fortunate na nakakapaglaro kami pero now na nag-champion tapos 13-0 pa, it’s on a whole another level,” pahayag ni Basilan head coach Jerson Cabiltes.

Nanguna si Jay Collado sa Basilan na may 15 puntos at apat na rebounds, habang nagdagdag si Michael Juico ng 14 puntos, pitong rebounds, apat na assists, at dalawang steals.

Nagsosyo sina Michael Mabulac at Collado sa Finals Most Valuable Player award tangan ang averages na 12.3 points, 11. 3 rebounds, at 1.7 assists, at 12 points, 5.7 rebounds, at 2.0 assists sa tatlong laro, ayon sa pagkakasunod.

Nagbida si Gileant Delator para sa Visayas king na may 14 puntos at limang steals.

Bukod sa karangalan na kauna-unahang Southern champions, tinanggap ng Basilan ang premyong P1 milyon mula kay Chooks-to-Go Pilipinas owner Ronald Mascarinas. Naiuwi naman ng KCS ang P500,000. EDWIN ROLLON 

Iskor:

Basilan (83) – Collado 15, Juico 14, Mabulac 13, Baloria 13, Uyloan 6, Gabo 6, Manalang 6, Taganas 2, Saliddin 2, Bitoon 2, Siruma 2, Balucanag 0, Bringas 0, Tan 0.

Mandaue (65) – Delator 14, Soliva 13, Castro 10, Bregondo 8, Roncal 7, Gastador 4, Imperial 3, Octobre 2, Nalos 2, Mercader 1, Cachuela 1.

QS:  20-23, 43-30, 66-42, 83-65.

93 thoughts on “BASILAN HARI SA VISMIN SUPER CUP”

Comments are closed.