BASILAN LUMAPIT SA KORONA

kcs

ISANG hakbang para sa pakikipagtipan sa kasaysayan.

Nagbabanta ang Mindanao kings Jumbo Plastic-Basilan na tapusin ang 2921 Chook-to-Go Pilipinas VisMin Super Cup Season sa dominanteng pamamaraan matapos gapiin ang Visayas champion KCS Mandaue, 96-91, Huwebes ng gabi sa Game 2 ng best-of-five Southern Championship sa Pagadian City Gymnasium sa Zamboanga del Sur.

Makakamit ng Basilan ang korona sa muling pagwawagi sa Game 3 na nilalaro hanggang press time. Kung magkagayon, maitatala ng Peace Riders ang impresibong 13-0 winning run, kabilang ang 10-0 sweep para madomina ang Mindanao leg ng kauna-unahang professional basketball league sa South.

Naisalpak ni Chris Bitoon ang layup para tampukan ang 14-5 run at ibigay sa Basilan ang 75-65 kalamangan sa pagtatapos ng third period.

Taliwas sa Game 1 kung saan hindi nakaporma ang KCS, ratsada ang Mandaue sa 10-0 run, tampok ang jumper ni Joseph Nalos para maidikit ang iskor sa 81-83, may 5:14 ang nalalabi sa laro.

Hindi naman natigalgal ang Peace Riders at sa pangunguna nina Michael Mabulac, Jay Collado, at Hesed Gabo ay muling naitarak ang double digit na bentahe, 91-81, tungo sa huling dalawang minuto

Nanguna si Jonathan Uyloan sa Peace Riders na may 19 puntos mula sa 5-of-10 sa three-pointer, apat na steals, dalawang rebounds, at dalawang assists. Nag-ambag si Collado ng 17 puntos, limang rebounds, at apat na assists, at kumana si Mabulac ng 13 puntos at 14 rebounds.

Kumamada si Rhaffy Octobre ng 27 puntos para sa Mandaue, habang kumubra sina Gileant Delator, Shaq Imperial, at Phil Mercader ng tig-12 puntos. EDWIN ROLLON

Iskor:

Basilan (96) – Uyloan 19, Collado 17, Mabulac 13, Baloria 11, Bitoon 9, Juico 8, Gabo 7, Balucanag 6, Siruma 4, Taganas 2, Manalang 0.

Mandaue (91) – Octobre 27, Delator 12, Imperial 12, Mercader 12, Nalos 6, Roncal 5, Gastador 4, Castro 4, Soliva 3, Sorela 3, Cachuela 3, Bregondo 0.

QS: 15-20, 46-43, 75-65, 96-91.

5 thoughts on “BASILAN LUMAPIT SA KORONA”

Comments are closed.