BASILAN TAOB SA ROXAS SA VISMIN CUP

DINAGDAGAN ng Roxas ang dungis sa dating malinis na marka ng Basilan BRT sa dominanteng 83-77 panalo Linggo ng gabi sa Chooks-to-Go Pilipinas VisMin Super Cup Mindanao Challenge sa Pagadian City Gymnasium sa Zamboanga Del Sur.

Bunsod ng panalo, nakipagsiksikan ang Vanguards sa five-way logjam sa liderato kasama ang biktimang Peace Riders, MisOr, Kapatagan, at Zamboanga Sibugay na pawang may 3-2 karta. Nalasap ng Basilan ang ikalawang sunod na kabiguan matapos ang 3-0 simula.

Umangat ang Kapatagan nang mahila ang winning run sa tatlong laro matapos gapiin  ang Globalport-MisOr, 65-63, sa unang laro ng double-header ng kauna-unahang professional basketball league sa South.

Pinangunahan ni Kentoy Segura ang Roxas sa naiskot na 17 puntos, tampok ang krusyal free throws sa final period, limang rebounds, tatlong assists, isang steal, at isang block.

Nagawang maagaw ng Basilan ang bentahe sa 74-71 mula sa matikas na 19-7 scoring run, tampok ang magkasunod na three-pointer ni Med Salim, may 2:28 ang nalalabi.

Hindi naman nagpabaya sina Marlon Monte, Cyrus Tabi, Junjie Hallare at Jorem Morada para mapanatiling dikit ang iskor sa 75-77, may 1:12 sa laro, bago ang kabayanihan ni Segura sa charity stripe.

Nanguna si Salim sa Basilan na may 19 puntos, walong rebounds, at tatlong steals.

Naghahabol sa 11 puntos ang Valientes bago sumirit sa 13-0 run, tampok ang layup ni Nicole Ubalde para maagaw ang bentahe sa 61-59, may 3:26 sa orasan.

Ngunit naisalpak ni Richard Kwong ang krusyal na free throws para mabawi ng Buffalos ang bentahe sa 64-63 may 17.7 segundo ang nalalabi. Sa huling opensa ng Valientes, nakatira sa three-point area si Reil Cervantes, ngunit sablay sa buzzer. EDWIN ROLLON

Iskor:

(Unang Laro)

Kapatagan (65) – Ariar 9, Bonganciso 8, Puerto 8, Daanoy 8, Lao 7, Rodriguez 6, Saga 5, Kwong 5, Torres 4, Igot 3, Sollano 2, Bersabal 0.

MisOr (63) – Cervantes 12, Lee Yu 12, Ubalde 8, Estrella 7, Nalos 6, Baracael 4, Ballesteros 4, salcedo 4, Meca 2, Caranguian 2, Gonzales 2, Bernardo 0.

QS: 23-18, 37-28, 53-46, 65-63.

(Ikalawang Laro)

Roxas (83) – Segura 17, Abanto 10, Bonleon 9, Tabi 9, Monte 9, Valin 8, Gimpayan 8, Basco 5, Martinez 5, Mabigat 2, Dela Cruz 1, Adante 0, Solatorio 0.

Basilan (77) – Salim 19, Morada 13, Panganiban 12, Hallare 9, Daa 7, Goloran 4, Ferrer 4, Lunor 4, Luciano 3, Julkipli 2, Saliddin 0, Soliva 0.

QS: 14-16, 30-43, 50-47, 83-77.