BASILAN VS BACOOR SA MPBL SEMIS

MPBL basilan vs Bacoor

BASILAN – Sumandal ang Basilan-Jumbo Plastic kay Allyn Bulanadi upang igupo ang Iloilo-United, 70-63, at maisaayos ang duelo sa Bacoor sa 2020 Chooks-to-Go/MPBL Lakan South semifinals noong Lunes ng gabi sa Lamitan Gymnasium dito.

Naghahabol ng tatlong puntos, wala nang dalawang minuto ang nalalabi sa fourth frame, nagpakawala si Al Tamsi ng Iloilo ng three-pointer upang itabla ang talaan sa  63-all.

Gayunman, makaraang sumablay sa three-point attempt, bumawi si  Bulanadi sa pag-atake sa basket upang bigyan ang Basilan ng dalawang puntos na kalamangan, 65-63, may 1:27 sa orasan.

Naisalpak ng 22-­anyos na Gilas cadet ang isang tres, may 48.9  segundo ang na­lalabi, upang palobohin ang bentahe sa lima, 68-63.

Sinelyuhan ni Jay Collado ang panalo sa pagbuslo ng dalawang free throws, may 21.2 sa orasan.

“Nag-double effort sila sa ensayo nila, e kasi tinalo namin sila nung Game 1, so nakapag-adjust talaga sila. Nahirapan kami pero buti na lang nanalo,” wika ni  Collado matapos ang panalo.

Tumapos si Collado na may double-double 18 points at 10 rebounds, bukod pa sa tatlong assists at 2 blocks.

Nag-ambag si Bautista ng 12 points at 3 dimes, habang tumipa si Bulanadi, umiskor ng lima sa huling pitong puntos ng Basilan, ng 11 points at 5 boards.

Sa unang laro ay pinataob ng second seed Bacoor City ang General Santos-Burlington, 69-60, upang umusad sa susunod na round.

Iskor:

Unang laro:

Bacoor City (69) – Sumalinog 16, Demusis 11, Banal 9, Mabilac 8, Canete 7, Melencio 7, Montuano 6, Pangilinan 5, Ramirez 0, Acuna 0, Aquino 0, Ochea 0, Destacamento 0.

General Santos-Burlington (60) – Celiz 22, Goloran 10, Raymundo 9, Williams 8, Cabanag 4, Orbeta 2, Grospe 2, Mahaling 2, Masaglang 1, Basco 0, Bautista 0, Baltazar 0.

QS: 17-16, 33-33, 57-52, 69-60.

Ikalawang laro:

Basilan-Jumbo Plastic (70) – Collado 18, Bautista 12, Bulanadi 11, Balucanag 7, Daa 5, Dagangon 4, Dumapig 3, Uyloan 3, Lunor 2, Manalang 2, Palencia 0

Iloilo-United (63) – Tamsi 16, Escoto 13, Publico 7, Jeruta 7, Parker 6, Prado 6, Golla 2, Javelosa 2, Arambulo 2, Gumaru 1, Sierra 0

QS: 24-18, 36-35, 54-50, 70-63