SINO’NG mag-aakalang sa huling sandali ay magbabago ang desisyon ng Samahang Basketbol ng Pilipinas. Kamakailan lamang ay nagpahayag ang SBP na hindi magpapadala ng koponan ng basketbol ang Filipinas sa 2018 Asian Games sa Jakarta, Indonesia na sadyang ikinagulat ng mga tagasubaybay ng basketbol sa bansa.
Marami ang nadismaya sa nasabing pahayag, subalit patuloy na umaasa ang mga tagahangang Pinoy na matutunghayan ang ating mga manlalaro na buong husay na ipamamalas ang tatak ng Filipino sa larangan ng isports na nabanggit. Bagama’t natuldukan ang pag-asang makapaglalaro ang ating mga basketbolista sa Jakarta sa isang liham sa Indonesian Games Organizing Committee kung saan nakapaloob ang naging pangkalahatang pasiya ng samahan, nagbubunyi ang lahat ngayon sa pagbawi ng SBP ng naunang pahayag nito.
Marahil na rin sa panawagan ng napakaraming tagahanga ng basketbol kung kaya nagbago ang pasiya ng SBP. Gayundin marahil, napagtanto ng samahan na ang isang naiibang Gilas Pilipinas sa 2018 Asian Games ay may kakayahan ding makipagtunggali sa ibang mga Asyanong bansa at magbigay karangalan sa ating mga kababayan.
Matatandaang sa opisyal na pahayag ng SBP, ang tinukoy na dahilan ng pag-atras ng ating koponan ay ang kakulangan ng oras at pagkakataon na makapagpamalas ng magandang performance sa 2018 Asian Games. Gayundin, ayon sa SBP, kinakailangan ng pambansang koponan ng basketbol na maisaayos ang proseso ng paghahain ng apela sa naging desisyon kamakailan ng FIBA Disciplinary Panel ukol sa naganap na gulo sa pagitan ng Filipinas at Australia.
Nais din umano ng SBP na makasiguro na handa at malakas ang laban ng bansa sa mga darating pang torneo.
Naaalala ko pa ang mga panahong dalawang koponan pa ang ating inihahanda – isa para sa ABC Basketball Tournament at ang isa naman ay para sa Pesta Sukan. Parehas na kumpetitibo ang bawat koponan at nagtutulungan sila upang maiangat ang kalidad ng larong basketbol sa Filipinas. Marahil ay maaari pa ring gamitin sa kasalukuyan ang modelong aking nabanggit.
Ngayong muling dadalhin at iwawagayway ng ating mga Filipinong basketbolista ang bandila ng Filipinas sa Asian Games, pagtangkilik at suporta ang panawagan ng ating koponan.
Bagaman kulang dalawang linggo na lamang at magsisimula na ang tunggalian, naniniwala ang maraming tagahangang Pinoy na sapat pa rin ang panahon upang makapagpalakas at makapagpatibay ang Gilas Pilipinas.
Muntik na sana tayong magpahiwatig ng isang negatibong signal sa pandaigdigang komunidad ng basketbol dahil sa pag-atras natin sa laban. Mabuti na lamang at muli ay napatunayan natin ang ating paninindigan sa ‘never-say-die’ spirit ng mga atletang Pinoy.
Sa larong basketbol, kagaya ng sa anumang laro, may natatalo at may nanalo. Katulad ng palaging sinasabi ng mga Pinoy: “Bilog ang bola.” Hindi kailanman masasabi ang magaganap sa hinaharap sa pagtingin lamang sa kung ano ang mayroon sa kasalukuyan.
Ang nais ko lamang sabihin ay walang sinuman ang makapagtuturan ng magiging kapalaran ng ating pambansang koponan sa Asian Games. Subalit bitbit ang pag-asa at bunsod ng layunin na makapagbigay karangalan sa bansa at sa sambayanang Filipino, lubos ang aking tiwala na makakamit ng isang bagong Gilas Pilipinas ang tagumpay sa Indonesia.
Panalangin, pag-asa at paniniwala lamang ang tanging hiling nila mula sa ating mga tagahanga.
Comments are closed.