Baste binatikos sa ‘calamity politics’

TINAWAG na “trapo politics” ang hakbang ni Davao City Mayor Sebastian “Baste” Duterte na i-donate ang mga buwis ng Davaoeños sa calamity-stricken cities at municipalities gayong ang kanyang sariling lungsod ay patuloy na dumaranas ng matinding pagbaha.

Binatikos ni Cagayan Economic Zone Authority (CEZA) Administrator and CEO Secretary Katrina Ponce Enrile ang tinawag niyang “calamity politics,” at ipinaliwanag na ang ginawa ni Mayor Baste ay “out of touch”dahil ang mga nakinabang sa kanyang hakbang ay mas mayayamang lungsod at munisipidad kaysa Davao City.

Ang Davao City mayor ay namahagi ng tig-P1 million sa anim na lalawigan sa Luzon, tig- P500,000 sa 11 lungsod sa Greater Manila Area, at tig-P300,000 sa 10 bayan sa iba’t ibang lalawigan, para sa kabuuang P14.5 million na halaga ng Davaoeño taxpayers’ money.

“Baste’s decision to give financial assistance to select places is trapo calamity politics at its worst. Mas mayaman pa ang ang mga LGU na inayudahan. At ang mga LGU na ito ay hindi naman humingi ng tulong,” sabi ni Sec. Enrile.

“Wala namang problema sa ganoong uri ng pagaayuda kung hindi nangangailangan ng tulong ang sarili mong mga kababayan,” aniya.

Sinabi ni Sec. Enrile sa Davao City mayor na, “if you want to earn pogi points by exporting aid to places richer than yours, first make sure that this is surplus money to be used after the own needs of your own people have already been satisfied.”

“As Mayor, dapat mong tandaan na charity begins at home. Kung tatakbo kang Senador, pwede namang umepal, tulad ng pagattend sa rally na inorganize ng kulto ni Quiboloy, pero huwag gamitin ang pondo ng siyudad at dapat unahin ang pangangailangan ng taumbayan nagluklok sa pamilya nyo sa kapangyarihan,” ani Sec. Enrile.

Bukod dito, dapat aniyang tumigil na si Mayor Duterte sa pagiging “drama queens” at magpokus na lamang sa isyu ng matinding pagbaha sa kanyang sariling bakuran. Ayon kay Sec. Enrile, ang pamilya ng alkalde ay anim na taon na nasa kapangyarihan subalit walang nagawa para malutas ang pagbaha.

“Maiihalintulad ang ginawa ni Mayor Baste sa isang padre de pamilya na salat sa pagkain, pero inuna pang magambag sa handaan ng mga barkadan kasi gusto nyang magpasikat,” sabi ni Sec. Enrile.

“Sa mga Duterte, unahin n’yo munang ayusin ang Davao para may ‘K’ kayong mag-emote bago kayo mamintas sa kalagaya sa ibang lugar,” pagbibigay-diin niya.