BASURA PALIT BIGAS PROJECT INILUNSAD

INILUNSAD ng lokal na pamahalaan ng Pasay ang proyektong “Basura Palit Bigas” na magpapatibay sa pangakong pagbibigay ng proteksyon sa kalikasan.

Pinangunahan ni Pasay City Mayor Emi Calixto-Rubiano at City Environment and Natural Resources Office (CENRO) head RR Salvador ang paglulunsad ng naturang proyekto na ginanap sa covered court ng Barangay 149, Pildera II, NAIA Road, Pasay City.

Sinimulan ang proyektong incentivized segregation na mayroong simbolikong pagpapalit ng basura sa kalakal tulad ng bigas o ang “Basura Palit Bigas,” delata, noodles, at iba pang commodities.

Ang layunin ng paglulunsad ng nabanggit na proyekto ay upang mahimok ang mga residente na aktibong lumahok sa programa tungkol sa waste management.

Ayon sa alcalde, nabigyan ng pagkakataon ang mga residente na magpapalit ng kanilang basura tulad ng bote, plastic, at iba pang materyales na pwedeng i-recyclable ng bigas, delata, kape, asukal at iba pa.

Dagdag pa nito, hihimukin ang mga Pasayenos na matutong tumayo sa sarili ng hindi umaasa, responsable at aktibong lalahok sa pagpapatupad ng ecological solid waste management sa lungsod. MARIVIC FERNANDEZ