TULAD ng awitin ni Gary Valenciano, tila ang mga residente na nasa paligid ng Manila Bay at mga estero at ilog ay ‘hindi na natuto’. Patuloy pa rin ang kanilang walang habas ng pagtapon ng kanilang mga basura na dadaloy sa Manila Bay. Tila matigas talaga ang ulo ng ilan nating mga kababayan maski na ang isyu na paglinis ng Manila Bay ay naging viral na sa social media. Ito ay nag-ugat sa pagsisikap ng ating pamahalaan na linisin ito. Pati na rin ang mga pribadong sektor ay bukas din sa pagtulong sa paglinis ng Manila Bay. Sa katunayan, nakita natin ang mga larawan ng Manila Bay bago at pagkatapos nitong malinis. Naghigpit din ang lokal na pamahalaan ng Maynila at Pasay na ipagbawal ang maligo sa Manila Bay bagama’t mukhang malinis na ang hitsura nito. Sinisiguro ng ating pamahalaan na ligtas na maligo ang mga tao sa nasabing look.
Nguni’t pagdating ng tag-ulan na may dalang hanging Habagat, dala muli nito ang tone-toneladang basura mula sa mga lugar sa paligid ng Manila Bay. Nakahihiya. Minsan napapaisip ako na tila wala na talagang pakialam ang ilang sa ating mga Filipino sa mga ginagawang pagsisikap ng pamahalaan at mga pirbadong sektor upang ibalik ang ningning ng Manila Bay. Wala silang pakialam.
Nagbigay ng ulat ang MMDA na mula Enero hanggang Agosto, mahigit na 3,810 na tonelada ng basura, water lily at putik ang nahakot ng MMDA sa Manila Bay at sa mga kanal na dumadaloy sa mga pumping station ng MMDA. Mahalaga kasi na nalilinis nang regular ang mga ito upang tumulong sa pagtapon ng tubig-ulan sa Manila Bay para mabilis humupa ang baha sa Metro Manila.
Ayon kay MMDA Chairman Danilo Lim, karamihan ng mga basura ay mga kawayan at kahoy na maaring nanggaling sa mga fishpen, water lily, plastic, at iba pang mga basurang nagmumula sa mga bahay na itinatapon sa mga estero at ilog na dumadaloy sa Manila Bay. Hindi nga ba kamakailan ay may mga inanod na mga patay na baboy sa Marikina River? Sino namang sira ulo ang nakapag-isip nito? Sana ay mahanap ang mga may sala nito. Ang laking perwisyo ang ginawa nila.
Noong nakaraang linggo, mahigit 20,000 na volunteers ang sumali sa clean-up drive ng Manila Bay bilang paggunita ng International Coastal Cleanup Day 2019.
Sinabi ni DENR Undersecretary Benny Antiporda na matagumpay ang ginawa nilang paglinis sa Manila Bay at mas marami ang nag-volunteer ngayong taon kaysa noong 2018. Maaring napagtanto ng mga karamihan ng ating mga mamamayan na pahalagahan ang ating kalikasan. Maliban sa mga empleyado ng ating gobyerno na sumali sa nasabing paglilinis ng Manila Bay, marami rin mula sa mga paaralan, environment at civic groups ang lumahok dito.
Ang mga DENR cleanup sites ay isinagawa sa Barangay 649 sa Baseco, Manila, kahabaan ng baybay sa may Navotas Centennial Park, at ang ilog ng Tullahan-Tinajeros at Marikina River na dumadaloy palabas ng Manila Bay.
Nagsagawa rin ng paglilinis sa Navotas Tanza Marine Tree Park; Las Piñas-Parañaque Critical Habitat and Ecotourism Area; baybayin sa may SM MOA at Gloria Maris, Cultural Center of the Philippines complex, Pasay City at sa PUP sa Sta. Mesa, Manila.
Kaya naman para sa mga naninirahan sa mga lugar na nasa tabi ng ilog at estero, mahiya naman kayo. Sigurado ako karamihan sa inyo ay mga illegal settler sa mga lugar na ‘yan. Makibahagi sa programa ng paglilinis ng Manila Bay, kung sobra ang tigas ng ulo ninyo, baka humantong pa ito sa pagpapaalis sa inyong lugar. Matuto na kayo!
Comments are closed.