LAGUNA – PINAGBABARIL hanggang sa mapatay ng isang kawatan ang dalawang lalaki habang nanghuhuli ang mga ito ng gagamba sa bakanteng lote na nasa ilalim ng tulay sakop ng Brgy. San Rafael lungsod ng San Pablo kahapon ng madaling araw.
Batay sa ulat ni PLt. Col. Eliseo Bernales, hepe ng pulisya kay Laguna-PNP Provincial Director PCol. Eleazar Matta, nakilala ang mga biktimang sina Jaymark Espregante y Sabeniano, 20, junkshop boy, residente ng nasabing lugar at isang Dave Christian Garcia, 25, kapwa may live-in partner at naninirahan naman sa Brgy. Concepcion, lugar na ito.
Sa imbestigasyon, bandang alas-4:00 ng madaling araw nang maganap ang naturang insidente matapos magpasiyang manghuli ng gagamba ang mga biktima sa lugar kasama ang isa pa nilang kaibigan na menor habang naghihintay naman sa loob ng sinasakyan nilang tricycle.
Lumilitaw na bigla umanong sumulpot ang suspek sa lugar kung saan naroroon ang menor na si alyas Ben bago ito tinutukan ng baril habang may itinatanong sa kanya at pinagbantaan pa itong papatayin.
Makalipas ang ilang minuto nang makarinig ito ng ilang putok ng baril sa mismong kinaroroonan ng dalawa nitong kasama habang aktong nanghuhuli ng gagamba bago ito mabilisang nagtungo sa barangay para ipaabot ang mga pangyayari dahil na rin sa tindi ng takot.
Mabilis na tumakas ang suspek na hindi pa pinangalanan ng pulisya makaraan ang pamamaril gamit ang kalibre 45 baril patungo sa hindi pa mabatid na lugar kung saan patuloy na tinutugis ngayon ng awtoridad.
Narekober sa pinangyarihan ng insidente ang ginagamit na panghuli ng mga ito ng gagamba, flash light kabilang ang dalawang maliit na kahon na nagsilbing kulungan nito. DICK GARAY