BATA BATA SYSTEM SA AFP PINABULAANAN

MARIING itinanggi ng pamunuan ng Armed Forces of the Philippines na may umiiral na bata bata system sa kanilang organisasyon kasunod ng pagkalat ng mga sulat at social media post hinggil sa favoritism at palakasan system sa kanilang hanay para makakuha ng magandang posisyon kahit na hindi umano deserving o kulang ng qualification na kaila­ngang daanan.

Aminado ang AFP na may mga nasasagap silang anonymous text messages at mga social media posts na umiikot sa kanilang hanay hinggil sa umanoy favoritism at mismanagement sa loob ng AFP organization.

“These claims are unfounded and do not reflect the reality of our promotion system, ” ani Col Francel Margaret Padilla, tagapagsalita ng Hukbong Sandatahan.

“Naninindigan kami sa propesyonalismo at strategic decision ma­king ng aming pamunuan. Ang sistema ng promosyon at appointment sa loob ng AFP ay dinisenyo upang kilalanin ang merito at dedikas­yon,” giit ni Padilla.

Gayundin, ang paglalakbay o tour of duty ng mga AFP officers, enlisted leaders, at maging ng mga civilian human resources ay mission-focused at base sa sa kanilang international defense and security engagements.

Ang pamunuan ng AFP ay nakatuon sa pagtugon sa anumang mga isyu at pagtiyak na ang mga prinsipyo ng merito at propesyonalismo ay gagabay sa mga aksyon sa lahat ng oras.

“Tayo ay mananati­ling nakatutok at naka­tuon sa mga prinsipyo ng integridad, disiplina, at paglilingkod sa bayan at hindi maabala ng hindi nagpapakilala at walang basehang mga paratang,” mariing pahayag pa ni Padilla.

Kamakailan, kuma­lat ang open letter o white papers sa hanay ng mga sundalo hinggil sa umano’y umiiral na nepotismo at cronyism sa loob ng organisasyon ng Hukbong Sandatahan ng Pilipinas.

Dedma naman ang Department of National Defense hinggil sa nasabing isyu maging ang ilang nabangit na opisyal sa nasabing liham.

VERLIN RUIZ