NEGROS ORIENTAL-PATAY ang isang police intelligence officer matapos pagbabarilin ng hindi pa kilalang suspek sa lungsod ng Bayawan sa nasabing lalawigan nitong Lunes ng hapon.
Sa ulat ng Bayawan City Police, bandang alas-4:50 kamakalawa ng hapon nang tambangan ang biktimang si Cpl. Rey Ambo ng 705th Mobile Company Regional Mobile Force Battalion Central Visayas.
Lulan ng kanyang motorsiklo ang biktima nang pagbabarilin ng hindi pa nakikilalang mga salarin sa Sitio Ipil-ipil, Brgy. San Roque.
Agad na nirespondehan ng mga awtoridad ang biktima matapos na matanggap ang report hinggil sa insidente kaya nagawa pang dalhin sa district hospital pero idineklarang dead on arrival.
Inaalam pa ng pulisya kung sino ang suspek at kung ano ang motibo sa pamamaril.
Hindi pa matukoy kung ilang tama ang natamo at kung anong klase ng baril ang ginamit ng suspek.
Ayon kay Chief Master Sgt. Archer Birjes, officer in case ng Bayawan City Police Station, ang biktima at kasamahan nito ay naka-deploy sa siyudad para mag- monitor ng lawless elements bilang intelligence operatives nang pagbabarilin ng dalawang nag-aabang na suspek na nagkukubli sa mga puno.
Nakaligtas ang kasamahan ni Ambo subalit, isang menor de edad ang nasugatan ng mahagip ng ligaw na bala na mabilis na isinugod sa hospital. VERLIN RUIZ