NILINAW ng San Jose del Monte City Police na fake news ang nag-viral na video sa isang batang lalaking dinukot at kinuha ang “internal organs” o lamanloob.
Ayon kay P/Col. Orlando Castil, Jr., hepe ng SJDM City Police Station (CPS), natagpuan nila sa Sapang Palay ang hinahanap na batang itinago sa pangalang Melvin, 10-anyos.
Nang makita nila, dito sinabi ng ama ng bata na walang katotohanan ang kumakalat na video na dinukot ang kanilang anak ng anim na lalaki na sakay ng puting van.
Ayon sa ama, ang nakitang mga hiwa sa katawan ng kanyang anak sa lumabas na video noong Disyembre 2 ay sanhi ng operasyon nito sa appendicitis.
Pahayag ng ama na unang naoperahan sa appendicitis si Melvin noong 2016 at muling naoperahan noong Nobyembre, isang araw matapos siyang makauwi mula sa paglalayas.
Aniya, tatlong beses nang naglalayas ang anak at inihahatid ng concerned citizens na nakatatagpo sa kanya sa kanilang bahay sa Sapang Palay.
Ayon naman kay Melvin, nagawa niyang sabihin na siya ay dinukot ng anim na lalaking sakay ng puting van upang siya ay ihatid ng nakatagpo sa kanya sa kanilang bahay.
Sa naging pahayag ni Castil, makikipag-ugnayan sila sa nag-upload ng video upang maipaliwanag ang lahat, samantala si Melvin ay handang sumailalaim sa pag-aaruga ng Social Welfare department ng lungsod. MARIVIC RAGUDOS
Comments are closed.