BATANG GILAS 4TH SA FIBA ASIA U16

NCAA4

NAGKASYA ang Gilas Pilipinas Youth sa fourth place sa FIBA U16 Asian Championship makaraang malasap ang 87-59 pagkatalo sa China sa third place game Linggo ng gabi sa Doha, Qatar.

Ang Batang Gilas, na nakapasok sa FIBA U17 Basketball World Cup nang umabot sa semifinal round ng torneo, ay tumapos sa likod ng powerhouses Australia, New Zealand, at China.

Nanguna si Joaquin Ludovice para sa Pilipinas na may 15 points habang nag-ambag si Kiefer Alas ng 13. Si Alas ay napabilang sa All-Star Five ng torneo.

Tumapos siya na may averages na 15.4 points per game, na nagbigay sa kanya ng 9th ranking sa kumpetisyon, at 8.6 rebounds (5th). Pinangunahan niya ang koponan sa scoring sa apat sa kanilang pitong laro, kabilang ang 29-point performance laban sa Japan sa kanilang quarterfinal duel.

Sinamahan ni Alas sa All-Star Five sina tournament MVP Oscar Goodman ng New Zealand, teammate nitong Lachlan Crate, Henry Sewell ng Australia, at Zhang Boyuan ng China.