NAKOPO ng Filipinas ang unang panalo nito sa 2018 FIBA Under-17 Basketball World Cup nang maungusan ng Batang Gilas ang Egypt, 70-69, sa Technological University Stadium sa Santa Fe, Argentina kahapon ng umaga.
Nagbuhos si Kai Sotto ng 28 points, 17 rebounds, at 3 blocks upang pangunahan ang Batang Gilas sa unang panalo nito matapos ang limang sunod na pagkatalo.
Sa panalo ay naisaayos ng Filipinas ang duelo sa New Zealand para sa 13th place sa 16-team tournament.
Tinalo ng New Zealand ang China, 62-57, sa sarili nitong laro sa classification semifinals.
Lumamang ang Filipinas sa Egypt sa malaking bahagi ng laro, kung saan naitarak ng Batang Gilas ang 20-point lead, 39-19, may dalawang minuto ang nalalabi sa second quarter, salamat sa dalawang free throws ni Sotto.
Subalit biglang nanlamig ang Batang Gilas sa third quarter upang mabitawan ang malaking kalamangan.
Abante ang Filipinas ng isang puntos, 65-64, kumana si Raven Cortez ng isang clutch putback mula sa sablay ni Gerry Abadiano para sa 67-64 bentahe, may isang minuto sa orasan.
Dalawang free throws ni Omar Morsy ng Egypt ang nagpababa sa kalamangan, at isang turnover ni Forthsky Padrigao ang nagbigay sa Egypt ng pagkakataon na kunin ang kalamangan.
Sa kabutihang palad ay nagmintis si Momen Hassan sa kanyang attempt, at naisalpak ni Sotto ang apat pang free throws sa huling 13 segundo upang bigyan ang Filipinas ng 70-66 bentahe.
Comments are closed.