UMATAKE si John Amores ng NorthPort laban kay Henry Galinato ng TNT sa kanilang laro sa PBA Commissioner’s Cup sa Philsports Arena. Kuha ni RUDY ESPERAS
Mga laro ngayon:
(Philsports Arena)
3 p.m. – Phoenix vs Converge
6:15 p.m. – Rain or Shine vs Bossing
TINULUNGAN ni rookie Fran Yu si Arvin Tolentino sa overtime at pinutol ng NorthPort ang two-game slide makaraang gulantangin ang TNT, 128-123, sa PBA Commissioner’s Cup nitong Biyernes sa PhilSports Arena.
Nagpakawala si Yu ng isang clutch triple upang tampukan ang 7-0 simula ng Batang Pier sa extension bago kumana si Tolentino ng sarili niyang triple na naglagay sa talaan sa 125-119, may 63 segundo ang nalalabi..
Bumanat si Rondae Hollis-Jefferson ng apat na puntos upang ilapit ang Tropang Giga sa 123-125, subalit na-split ni Yu ang charity habang isinalpak ni Tolentino ang pares ng freebies na nagselyo sa panalo.
Sa panalo ay umangat ang NorthPort sa 3-2 habang nalasap ng TNT ang ikalawang sunod na kabiguan upang mahulog sa 2-3.
“It feels good because coming off back-to-back losses medyo nag-back to basics kami, back to the drawing board,” sabi ni Tolentino, na tumapos na may 27 points, kabilang ang pito sa OT.
“Beating TNT is a good thing for us,” dagdag ni Tolentino. “Masaya kami. Buti sinuwerte.”
Tumapos si Yu na may career-high 14 points at 6 assists habang tumabo si Venky Jois ng 21 points makaraang malimitahan sa apat na puntos lamang sa first half.
Ang Australian ay nagtala rin ng 12 rebounds, 7 assists, at 4 steals.
Nagposte rin ng bagong personal high ang isa pang rookie, si Cade Flores, na kumamada ng 16 points at 8 boards. Gumawa rin si Joshua Munzon ng 16 points habang hinarap ang hamon na pigilan si Hollis-Jefferson.
Nanguna si Hollis-Jefferson sa lahat ng scorers na may 35 points at nagdagdag ng 13 rebounds at 8 assists, ngunit gumawa rin ng 6 turnovers.
Nagtala si Glenn Khobuntin ng bagong career-high na 22 points, ang kaparehong output ni Calvin Oftana, habang nagdagdag Jayson Castro ng 20 markers at 7 boards subalit hindi sapat para makabawi ang TNT mula sa 95-109 loss sa Meralco noong Linggo.
CLYDE MARIANO
Iskor:
NorthPort (128) – Tolentino 27, Jois 21, Munzon 16, Flores 16, Yu 14, Calma 10, Paraiso 10, Caperal 5, Amores 5, Chan 4.
TNT (123) – Hollis-Jefferson 35, Oftana 22, Khobuntin 22, Castro 20, K.Williams 10, Ponferrada 4, Aurin 3, Montalbo 3, Heruela 2, Galinato 2, Reyes 0.
QS: 37-33, 61-62, 90-89, 113-113, 128-123.