Mga laro ngayon:
(Ynares Arena-Pasig)
5 p.m. – Blackwater vs NorthPort
7:30 p.m. – Phoenix vs NLEX
MULING sasandal si NorthPort coach Bonnie Tan kay Joshua Munzon sa kanilang pagharap sa Blackwater sa PBA On Tour ngayong Biyernes sa Ynares Arena sa Pasig City.
Nakatakda ang salpukan sa alas-5 ng hapon.
Target ng Bossing na masundan ang 100-94 panalo kontra Terrafirma noong nakaraang linggo at umangat sa 3-1 sa pre-season warm-up.
Mataas din ang morale ng NorthPort matapos ang 99-90 laban sa TNT noong nakaraang Biyernes at puntirya ngayon ang ikalawang sunod na panalo na magpapatas sa kanilang kartada sa 2-2.
Sasandig din si Tan kina Paul Zamar, MJ Ayaay, JM Calma at veteran Arwind Santos, ngayong hindi maglalaro si Jeffrey Chan, gayundin si top rookie prospect Fran Yu makaraang manganak ang asawa nito kamakailan.
Subalit si Munzon ang pinakainaasahan ng coach na mangunguna sa koponan kasunod ng paglisan ni Robert Bolick.
“Dati siyang No. 1 pick (in 2020) kaya siya talaga ang player na pinaka-inaasahan ko,” sabi ni Tan patungkol sa 28-year-old guard na kinuha sa isang trade sa Terrafirma noong nakaraang Enero.
Sa unang dalawang laro ng pre-season, si Munzon ay hindi gaanong pumutok sa isang off-the-bench role, may average lamang na 2.5 points at hindi rin nakaiskor sa kabila ng walong pagtatangka sa 75-87 pagkatalo sa San Miguel Beer noong nakaraang Mayo 27.
Kontra TNT, si Munzon ay naging starter sa unang pagkakataon sa Batang Pier uniform at kaagad gumawa ng team-high 16 points, 3 steals, 2 rebounds at 2 assists.
Malaking katanungan ngayon kung paano maipagpapatuloy ni Munzon ang kanyang magandang laro laban sa sariling loaded backcourt ng Blackwater na pinangungunahan nina Rashawn McCarthy, Baser Amer, RK Ilagan at Mike Ayonayon.
Ang frontcourt defense ng Batang Pier ay tiyak ding masusubukan sa pagkaka-sideline nina Prince Caperal at Jon Gabriel dahil sa injuries at sa ipinagmamalaki ng Bossing na sina Troy Rosario, Yousef Taha, Ato Ular at James Sena.
Sa ikalawang laro sa alas-7:30 ng gabi ay magsasagupa ang Phoenix at NLEX.
-CLYDE MARIANO