SUMANDAL ang NorthPort kay import Michael Qualls nang gibain ang top-seeded NLEX, 115-90, sa quarterfinals ng PBA Governors’ Cup kagabi sa Araneta Coliseum.
Sa panalo ay naipuwersa ng Batang Pier ang deciding game para sa isang puwesto sa semifinals sa Miyerkoles sa parehong venue.
Nagbuhos si Qualls ng 39 points, 16 rebounds, 5 assists, at 2 steals sa larong nabahiran ng gulo nang sikuhin ni Poy Erram sa ulo ang una.
Isang contender para sa Best Import award, naisalpak ni Qualls ang 22 points sa first half na nagbigay sa Batang Pier ng 61-40 kalamangan sa halftime.
Subalit hindi nawalan ng loob ang Road Warriors at tinapyas ang deficit sa 81-95, wala nang anim na minuto ang nalalabi mula sa back-to-back shots nina Kiefer Ravena at JR Quiñahan.
Gayunman ay hindi ito nakatulong sa Road Warriors makaraang mapatalsik sa laro sina Erram at Paul Varilla dahil sa flagrant foul penalty 2 bunga ng paniniko kina Qualls at Christian Standhardinger.
Hindi sinasadyang natapakan ni Qualls sa tiyan si Varilla makaraang ma-outbalance habang nagtatangkang tumira bago siya sikuhin sa ulo ni Erram.
Sa pagsugod ng mga player ng dalawang koponan upang mamagitan sa gulo, si Standhardinger ay tinamaan din ng siko ni Varilla.
Tumapos si Standhardinger na may 24 points, 13 rebounds, at 3 steals, habang nagdagdag si Sean Anthony ng 12 points, 4 rebounds, at 2 blocks para sa NorthPort, na target ang ikalawang semifinals appearance sa franchise history.
“They played aggressive and with lots of energy. They really wanted to win and they got it. Ayaw magbakasyon, gusto tuloy ang laro hanggang sa matapos,” sabi ni coach Pido Jarencio.
“The win bolstered their morale and upbeat. We have to play aggressive and with fire and intensity like we did in Game 1,” dagdag ni Jarencio.
Dinaig ng NorthPort ang NLEX sa field goal shooting sa pagkamada ng 42 of 97, habang naipasok ng koponan ang 18 sa 22 free throws, at kumalawit ng 62 rebounds kumpara sa 49 ng Road Warriors. CLYDE MARIANO
Iskor:
NorthPort (115) – Qualls 39, Standhardinger 24, Anthony 12, Ferrer 9, King 8, Escoto 5, Taha 5, Elorde 5, Lanete 3, Cruz 3, Mercado 2.
NLEX (90) – Quinahan 20, Ravena 16, Harris 12, Cruz 11, Erram 6, Soyud 6, Alas 5, Paniamogan 4, Varilla 3, Galanza 3, Ighalo 2, Miranda 2, Fonacier 0.
QS: 34-24, 61-40, 83-64, 115-90
Comments are closed.