BATANG PIER KINALDAG ANG BOSSING

Mga laro ngayon:
(Tiaong, Quezon)
5 p.m. – Meralco vs San Miguel

KAAGAD na gumawa ng ingay si Arvin Tolentino sa kanyang unang laro sa PBA On Tour sa pagsiguro na maitatakas ng NorthPort ang 112-95 panalo kontra Blackwater nitong Biyernes sa Ynares Arena sa Pasig City.

Naitala ni Tolentino ang 18 sa kanyang game-high 22 points sa second half at ibinalik ang kontrol ng Batang Pier matapos na matapyas ang kanilang 18-point lead sa walo sa third period.

Inilabas si Tolentino, may 5:45 pa ang nalalabi, ngunit ang kanyang huling puntos ay isang tres na nagbigay sa NorthPort ng 96-70 kalamangan at patungo na sa kanilang ikalawang sunod na panalo sa apat na laro sa pre-season tune-up.

“Buti nakabawi kami noong second half,” sabi ni Tolentino.

Bukod kay Tolentino ay kuminang din sina Joshua Munzon, Paul Zamar, JM Calma at Paolo Taha na nagtala ng double digit performances para sa NorthPort na nasundan ang 99- 90 panalo kontra TNT noong nakaraang linggo.

Ipinagpatuloy ni Munzon ang kanyang splendid play bilang starter sa ikalawang sunod na laro, tumapos na may 19 points, habang nagdagdag si Zamar ng 17 markers, 13 ay mula ss first half na nagbigay sa Batang Pier ng 42-38 lead sa break.

Tumapos si Calma, nakaposisyon sa gitna sa pagkawala nina injured Prince Caperal at may sakit na si Jon Gabriel,
na may 16 points.

Kumubra si Troy Rosario ng 17 points upang pangunahan ang Blackwater, na sinikap na sundan ang 100-94 panalo kontra Terrafirma noong nakaraang linggo ngunit sa halip ay nahulog sa pagtatabla sa NorthPort at sa walang larong San Miguel Beer.

Nag-ambag si RK Ilagan ng 15 points, gumawa si Tyrus Hill ng 12 points at 7 rebounds mula sa bench at nagdagdag sina Baser Amer at Rashawn McCarthy ng tig- 11 points para sa Bossing.

Tulad ni Tolentino, si Rosario ay umiskor din ng apat na puntos lamang sa first half ngunit nabuhay simula sa third kung saan kumamada siya ng 11 points at pinangunahan ang atake ng Bossing na naglapit sa kanila sa 57-65 mula sa 42-60 deficit.

-CLYDE MARIANO