BATANG PIER LUMAPIT SA Q’FINALS

Laro ngayon:

Calasiao Sports Complex

5 pm – NLEX vs San Miguel

NAGBUHOS si Stanley Pringle ng career-best 50 points nang ilampaso ng GlobalPort ang Columbian, 133-115, sa PBA Commissioner’s Cup kagabi sa Araneta Coliseum.

Naitala rin ni Pringle ang season-high ng liga at all-time best para sa  GlobalPort, ayon kay PBA statistician Fidel Mangonon.

Nagsalpak siya ng siyam na three-pointers, na sinamahan ng limang rebounds, anim na assists at tatlong steals.

Bumawi ang Batang Pier mula sa nakahihiyang 108-135 pagkatalo sa  Phoenix noong nakaraang Miyerkoles at umangat sa solong ika-6 na puwesto na may 5-5 kartada sa playoff race.

Kailangan nga­yon ng GlobalPort na mamayani sa kanilang huling eliminations game kontra Barangay Ginebra sa Hulyo 6 upang maiwasan ang anumang kumplikas­yon at masiguro ang pagkakasama nito sa top eight teams na ­uusad sa quarterfinals.

“Sabi ko nga sa mga players, ‘Di tayo puwedeng matalo,’” wika ni Batang Pier coach Pido Jarencio. “Crucial game against Ginebra. May mga maglalaro pa, may maglalaglagan pa.

“Basta kami nakakuha na ng five wins. Kung ano man ang mangyari, nandito na kami, ready na kami.”

Ang pagkatalo na nagbigay sa kanila ng 4-7 marka sa ika-10 puwesto sa pagtatapos ng elims ay maaaring nagbasura sa pag-asa ng Columbian Dyip na umabante sa susunod na round.

Ang Dyip ay maaari pang magtapos na tabla sa ika-8 puwesto, depende sa magiging performance ng iba pang koponan, subalit maaari silang matalo sa quotient.

Tumipa si Malcolm White ng 28 points at 14 rebounds, nagdagdag si Jonathan Grey ng 16 points at gumawa si Sean Anthony ng 12 points mula sa bench.

Iskor:

GlobalPort (133) – Pringle 50, White 28, Grey 16, Anthony 12, Tautuaa 8, Guinto 5, Espinas 4, Taha 4, Elorde 3, Teng 0.

Columbian (115) – Fields 26, Camson 24, McCarthy 21, King 21, Khobuntin 11, Celda 5, Cahilig 3, Ababou 2, Tubid 2, Corpuz 0, Escoto 0.

QS:  25-29, 66-56, 96-88, 133-115