SA DUELO ng dalawang koponan na wala pang panalo ay nangibabaw ang NorthPort laban sa Columbian, 118-101, sa PBA Governors’ Cup kagabi sa Ynares Center sa Antipolo City, Rizal.
Determinado na putulin ang limang sunod na kabiguan, ang huli ay laban sa Talk ‘N Text, 102-104, noong Setyembre 30, siniguro ng Batang Pier ang panalo upang sa wakas ay makapasok sa win column at iwan ang Dyip bilang tanging koponan na wala pang panalo.
Sumandal ang Batang Pier sa kabayanihan ni Moala Tautuaa upang ibigay sa NorthPort ang unang panalo at ibasura ang effort ni Filipino-American Jerry King na mag-isang dinala ang Columbian sa unahan, 87-78, sa third period.
Kumamada si Tautuaa ng 7 points upang basagin ang 93-all pagtatabla at bigyan ang NorthPort ng 97-93 bentahe, at sa pakikipagtulungan kina Sean Anthony at Paolo Taha ay pinalobo pa ang kalamangan sa 104-94.
Hindi pa nasiyahan at kumamada ang North Port ng 9-0 run upang palawigin ang paghihirap ng Columbian.
Tumipa si Anthony ng 25 points, 9 rebounds at 6 assists upang tanghaling Best Player of the Game.
“I have to play my best out there to make my team win and fortunately, I did it,” sabi ni Anthony.
“We failed to buy a single victory in five games. This time, we finally made it,”sabi ni coach Pido Jarencio.
Dikit ang laban sa first half kung saan nagpalitan ng puntos ang dalawang magkatunggali at tinapos ang halftime sa 53-50 pabor sa NorthPort.
Sa third period, kumalas ang Columbian sa 62-55 sa tres ni King at muling umiskor ang Fil-Am ng 7 straight points upang palobohin ang lamang sa 11 points, 73-62, sa kalagitnaan ng period. CLYDE MARIANO
Iskor:
NorthPort (118) – Pringle 26, Tautuaa 26, Anthony 25, Woods 13, Taha 10, Elorde 7, Gabayni 3, Espinas 2, Guinto 2, Grey 2, Flores 2, Teng 0, Fortuna 0, Javelona 0.
Columbian (101) – King 29, McCarthy 16, Escoto 14, Corpuz 13, Wright 10, Khobuntin 5, Cahilig 4, Celda 3, Sara 3, Gabriel 2, Reyes 2.
QS: 24-25, 53-50, 86-89, 118-101
Comments are closed.