Mga laro ngayon:
3 p.m. – NLEX vs Bossing
6 p.m. – TNT vs Ginebra
SUMANDIG ang NorthPort Batang Pier kay Robert Bolick upang silatin ang dating walang talong Meralco
Bolts, 109-98, at makapasok sa win column ng PBA Governors’ Cup Huwebes sa Araneta Coliseum.
Muling umanib sa Batang Pier noon lamang isang linggo kasunod ng contract negotiation, si Bolick, na bahagi rin ng Gilas Pilipinas pool, ay tumapos na may 21 points, 7 rebounds, 6 assists, at 3 steals.
Sa panalo ay pinutol ng NorthPort ang kanilang five-game losing skid at umangat sa 1-5, habang nagwakas ang impresibong four-game winning streak ng Meralco at bumagsak sa 4-1.
Pagkatapos ng laro ay sinabi ni winning coach Pido Jarencio na long overdue na ang breakthrough win.
“Actually, ‘yung 0-5 heartbreak losses, lalo na first three games,” ani Jarencio.
“Ngayon, kahit papaano, nag-settle (down) na team, pati import nagkaroon na ng chemistry sa mga kasama,” dagdag ni Jarencio. “Siguro law of averages din. Hindi naman p’wedeng puro na lang tayo talo.”
Sinabi pa ni Jarencio na gumana na rin ang kanilang depensa, isang bagay na hindi nila nagawa sa 90-104 pagkatalo sa Rain or Shine noong Sabado.
“It’s all about defense. We worked on our defense after nu’ng Rain or Shine (game), talagang tutok sa depensa. Ayun, naging aggressive… they put a lot of energy sa defense kaya ayun nag-iba tempo ng game. It all started with defense,” aniya.
Patunay sa sinabi ni Jarencio ay ang paglimita sa Meralco sa kabuuang 32 points lamang sa second at third quarters habang umiskor ng sarili nilang 63 upang maitala ang 81-64 bentahe papasok sa fourth quarter.
Kumamada si Jamel Artis ng 26 points bukod pa sa 8 rebounds at 4 assists para sa NorthPort.
Tumapos si Arwind Santos na may double-double na 16 points at 10 boards habang nag-ambag sina Jamie Malonzo, Jerrick Balanza at Troy Rike ng tig-10 points.
Nanguna para sa Meralco si import Tony Bishop na may 34 points at 16 rebounds habang nakakolekta si Chris Banchero ng 24 points at kumabig si Allein Maliksi ng 14 markers. CLYDE MARIANO
Iskor:
NorthPort (109) – Artis 26, Bolick 22, Santos 16, Malonzo 14, Balanza 12, Rike 10, Sumang 9, Taha 0, Ferrer 0.
Meralco (98) – Bishop 34, Banchero 23, Maliksi 14, Newsome 7, Pasaol 6, Hodge 4, Quinto 3, Almazan 3, Hugnatan 2, Caram 2, Belo 0.
QS: 18-32, 47-50, 81-64, 109-98