Mga laro ngayon:
(Araneta Coliseum)
3 p.m. – TNT vs Terrafirma
6:15 – NLEX vs Converge
INAPULA ng NorthPort ang mainit na paghahabol ng Phoenix sa fourth quarter at naitakas ang 124-120 panalo sa PBA Philippine Cup kagabi sa Araneta Coliseum.
Kinuha ng Batang Pier ang ikalawang sunod na panalo upang umangat sa ikatlong puwesto na may 2-1 kartada kasosyo ang NLEX sa likuran ng wala pang talong Blackwater (3-0) at Terrafirma (2-0).
Naging bayani si Zavier Lucero makaraang umiskor ng dalawang free throws matapos tumawag ng timeout si coach Bonnie Tan makaraang lumapit ang Phoenix sa 122-123, sa free throws ni RJ Jazul.
Hindi bumigay ang Batang Pier sa banta ng Fuel Masters upang masundan ang overtime win kontra Converge.
Umiskor si Lucero ng 18 points, kabilang ang kanyang charities na naging susi sa panalo ng NorthPort.
Pitong players ng NorthPort ang umiskor ng double figures, sa pangunguna ni Cade Flores na may 21 points, 10 sa fourth period, 6 rebounds, 5 assists at 5 steals.
Maagang umarangkada ang Batang Pier sa 35-25 kalamangan na pinalobo sa 61-52 at 67-56, sa unang tatlong minuto ng third quarter.
Lumamang ang North Port, 100-89, sa tres ni Jeff Chan at tumapon ulit ang kaliweteng dating gunslinger ng Barangay Ginebra sa pasa ni John Michael Calma, 106-93, sa kalagitnaan ng fourth period.
Nagbanta ang Phoenix, 70-76, sa split free throw ni Perkins, may 4:18 ang nalalabi sa third quarter, subalit sumagot si Fran Louie Yu, 79-70, at isinalpak ni Paul Christian Zamar ang dalawang free throws para sa 82-70 kalamangan, may dalawang minuto sa orasan.
Nagbuhos si Jason Perkins ng 28 points subalit nabigo ang Fil-Am UAAP standout na dalhin ang Phoenix sa unang panalo.
CLYDE MARIANO
Iskor:
Northport (124) – Flores 21, Lucero 18, Munzon 17, Tolentino 15, Yu 13, Zazmar 11, Bulanadi 6, Calma 2, Rosales 2, Paraiso 2,8Adamos 0, Amores 0, Cuntapay 0.
Phoenix (120) – Perkins 24, Tio 19, Jazul 15, Rivero 13, Tuffin 11, Manganti 9, Mocon 8, Soyud 4, Daves 4, Alejandro 3, Muyang 2, Garcia 2, Camacho 2, Lalata 0, Verano 0.
QS: 35-25, 61-52, 90-80, 124-120.