BATANG PIER PINISAK ANG BOSSING

Mga laro bukas:
(Araneta Coliseum)
3 p.m. – Blackwater vs Terrafirma
5:45 p.m. – Phoenix vs Ginebra

SINANDIGAN ni Arvin Tolentino ang NorthPort para maitakas ang 87-83 panalo kontra Blackwater sa PBA Commissioner’s Cup kahapon sa Smart Araneta Coliseum.

Nagtala si Prince Ibeh ng 19 points at 10 rebounds habang nag-ambag si Robert Bolick ng 12 points, 7 rebounds at 10 assists, subalit ang naiposte ni Tolentino na 10 sa kanyang 15 points sa fourth period ang naging tuntungan ng Batang Pier sa panalo.

“Pangit nu’ng first half ko, as in flat. Pinagalitan nga kami ni coach, eh,” sabi ni Tolentino, na naipasok lamang ang isa sa kanyang unang apat na tira ngunit nagmintis ng isa lamang sa kanyang huling limang pagtatangka.

“Second half talagang nag-focus kami, especially sa defense. S’werte naman sumunod offense ko,” dagdag ni Tolentino.

Ang dating Barangay Ginebra forward ay hindi ulit nakaiskor makaraang tampukan ng kanyang floater ang 16-5 run na naglagay sa talaan sa 82-79, subalit nasupalpal si Mike Ayonayon na nagresulta sa jumper ni Arwind Santos para sa 84-81 score.

Sinelyuhan ni Jerrick Balanza ang final score sa isang fastbreak layup para sa NorthPort na umangat sa 3-2 kartada habang nahulog ang Blackwater sa 2-3.

Hindi naman lubusang nasiyahan si coach Pido Jarencio sa panalo.

“Although nanalo kami today hindi pa rin iyon ‘yung ine-expect kong maging laro, eh,” aniya.

“Hindi kami consistent, eh ‘yung consistency ang importante. We have to play defense all the way tapos ‘yung offense namin darating iyon,” dagdag ni Jarencio. CLYDE MARIANO

Iskor:
NorthPort (87) – Ibeh 19, Tolentino 15, Santos 14, Balanza 13, Bolick 12, Ferrer 7, Taha 3, Caperal 2, Chan 2, Salado 0, Sumang 0.
Blackwater (83) – Krutwig 28, Rosario 17, Amer 16, Ular 8, Ayonayon 7, Suerte 4, Taha 2, Banal 1, Ebona 0, McCarthy 0, Jackson 0.
QS: 16-22, 37-42, 64-68, 87-83.