BATANG PIER SINAGASAAN ANG ROAD WARRIORS

Mga laro ngayon:
(Ninoy Aquino Stadium)
5 p.m. – Phoenix vs Meralco
7:30 p.m. – Converge vs HK Eastern

UMAHON ang NorthPort mula sa pagkakabaon sa kaagahan ng laro at pagkatapos ay tinambakan ang NLEX, 114-87, sa PBA Commissioner’s Cup kagabi sa Ninoy Aquino Stadium.

Ang Batang Pier ay nalamangan ng hanggang 16 points sa first quarter, subalit binura ang malaking deficit sa second period kung saan na-outscore nila ang Road Warriors, 35-12.

Nalusutan ni Arvin Tolentino ang mabagal na simula upang tumapos na may 29 points at pangunahan ang NorthPort sa blowout win sa pagsisimula ng kanilang kampanya sa conference.

Nagmintis si Tolentino sa kanyang unang apat na tira at hindi nakaiskor sa opening period subalit nagsimulang makuha ang kanyang porma sa second kung saan kinamada niya ang 15 sa kanyang mga puntos, na nagbigay-daan upang ma-outscore ng Batang Pier ang Road Warriors, 35-12.

Makaraang malamangan ng hanggang 16 points, kinuha ng NorthPort ang 56-41 halftime lead na kanilang pinalobo sa hanggang 114-83 bago sinelyuhan ang kanilang unang panalo sa kabila ng pagliban nina JM Calma, Jio Jalalon at Paul Zamar dahil sa injuries.

Natalo ang Road Warriors sa kanilang unang laro sa kabila ng promising start kung saan umabante sila sa 25-9. CLYDE MARIANO

Iskor:
NORTHPORT (114) – Tolentino 29, Jack 25, Bulanadi 14, Munzon 12, Yu 8, Navarro 7, Miranda 5, Onwubere 4, Cuntapay 4, Taha 2, Flores 2, Tratter 2, Nelle 0.

NLEX (87) – Watkins 29, Rodger 11, Mocon 10, Semerad 10, Amer 6, Torres 6, Bolick 3, Nieto 3, Nermal 3, Policarpio 2, Valdez 2, Herndon 2, Marcelo 0, Fajardo 0.

QUARTERS: 21-29, 56-41, 91-67, 114-87