ILOCOS SUR — Inasinta nina archers Jathniel Caleb Fernandez ng Baguio City at Adrianna Jessie Magbojos ng Sta. Rosa City ang tig-5 gold medal upang maging best performers sa kasalukuyan sa Philippine Sports Commission-Batang Pinoy sa San Ildefonso Central School dito.
Ang nine-year-old Baguio Pines Family Learning Center third-grader na si Fernandez ay nanalasa sa lahat ng fronts kung saan dinomina niya ang 10 meters (304), 15m (243), 20m (260), 30m (257) at final result (1064).
Hindi rin nagpaawat si Magbojos sa pagdomina sa 10m, 15m, 20m, 30m at total.
“Gusto niya talaga manalo,” sabi ni Randy Fernandez patungkol sa kanyang anak na si Jathniel Caleb, na nagsanay sa ilalim ni coach Alexis Requipo sa loob ng mahigit isang taon.
Sumungkit naman si Mico Villaran ng Bacolod City ng dalawang ginto sa 110m at 200m hurdles.
Samantala, naghari si 15-year-old Romanito Maravilla, ninth-grader, sa 110m hurdles kung saan naorasan siya ng 15.17 seconds at 200m hurdles sa 23.18.
“Ang goal ko mag-compete sa SEA Games at international na malalaki,” sabi ni Maravilla, pumasok sa running nang mabigong makapasok sa badminton at volleyball teams ng kanyang eskuwelahan.
Nagwagi rin si Olongapo’s Rafael Guinto ng ginto sa boys’ 5000m sa 17:27.2, gayundin si Pangasinan’s Marjorie Ragudos sa girls’ high jump na may 1.30m.
Sa individual team trial ng cycling ay nakopo ni Maritanya Krogg ang kanyang ikalawang gold nang pangunahan ang girls’ individual time trial for 13-15 years old sa 12:39.240.
Sumikwat din ng ginto sa event na nagsimula at nagtapos sa harap ng Provincial Capitol sina Pangasinan’s Jerick Cabael (14:06.448) sa boys’ 13-and-below, Harvy Dolutan (22:32.823) sa boys’ 14-15 at Aira Danara Gregorio (15:26.385) sa girls’ 14-15.
Sa Quirino Stadium pool, sumisid ng ginto sina Angeles’ Daniel Jonas Ocampo (boys’ 200m back 12-under), Laguna’s Jaella Mische Mendoza (girls’ 200m back 12-under) at Lucena’s Peter Cyrus Dean (boys’ 200m back 13-15).
Sa shadow box event ng muay thai na isinagawa online, humakot ng limang ginto ang General Santos sa likod nina Atasha Althea Amoguis (girls’ 10 years old), Keith Margaret Balinas (boys’ 12), Risha Althea Amoguis (girls’ 13), Aldrien Balandan (boys’ 14) at Rhyzel Chen Sevilleno (girls’ 15).
Ang iba pang gold winners ay sina Olongapo’s Gabriel Sapao (boys’ 12) at Xian Denise Robillos (girls’ 14), Baguio’s Laike Javon Casuga (boys 10), Lyre Anie Ngina (girls 11) at Edel Ali Ngina (boys 15), Laguna’s Brent Jossef Urrete (boys’ 11) at Pasig’s Jan Brix Ramiscal (boys’ 14).