NAKATUON ang pansin ng lahat sa powerhouse Laguna at Iloilo sa pag-arangkada ng Batang Pinoy grand finals sa Agosto 25-31 sa Puerto Princesa.
Ang Laguna at Iloilo ay kapwa malakas sa athletics, ang pinakatampok sa 32 sports na lalaruin sa torneo na itinataguyod ng Philippine Sports Commission (PSC) na pinamumunuan ni Chairman William ‘Bucth’ Ramirez, sa pakikipagtulungan ng local government units (LGUs).
Magugunitang ang Region IV-A o Calabarzon, sa pangunguna ng Laguna at ang Western Visayas na pinangungunahan ng Iloilo ang pumutol sa dominasyon ng National Capital Region sa Palarong Pambansa.
Ginawa ang Mindanao leg ng Batang Pinoy sa Tagum, Davao del Norte, habang ang Visayas leg ay sa Iloilo at ang Luzon ay sa Ilagan, Isabela.
“Batang Pinoy is truly a breeding ground of future athletes. Most of our national athletes are products of Batang Pinoy. I am pretty sure many young promising athletes will surface,” wika ni PSC Commissioner Celia Kiram Kiram.
Mahigit sa 6,000 atleta at 4,000 opisyal, working staff at spectators ang inaasahang manonood sa kumpetisyon.
Ang archery, arnis, athletics, badminton, baseball, basketball, boxing, chess, dancesport, futsal, karatedo, lawn tennis, pencak silat, sepak takraw, softball, swimming, table tennis, taekwondo, indoor at beach volleyball, ay kasama sa Batang Pinoy calendar at nagkaroon ng qualifying rounds para sa Luzon, Visayas at Mindanao.
Tinatayang 1,066 atleta ang inaasahang didiretso sa finals sa sports ng cycling gymnastics, judo, billiards, muay, rugby football, triathlon, soft tennis, weightlifting, wrestling at wushu.
Nag-donate ang PSC ng P16 milyong halaga ng sports equipment sa lokal na pamahalaan ng Puerto Princesa para masiguro ang tagumpay ng Batang Pinoy grand finals. CLYDE MARIANO