ILAGAN, Isabela— Simula na ngayon ang mainit na bakbakan sa Batang Pinoy Luzon leg kung saan magsisilbing main hub ang Ilagan Sports Complex sa weeklong sports competition.
May 4,644 atleta ang magpapasiklaban sa 20 sports, kabilang ang medal rich athletics at swimming, at ang mga medallist ay sasabak sa grand finals sa Bohol, kasama ang mga qualifier sa Mindanao at Visayas.
Nagpalabas ng P25 million ang Philippine Sports Commission (PSC) para masiguro ang tagumpay ng Luzon leg matapos ang Mindanao leg na ginanap sa Tagum, Davao del Norte at ang Visayas leg sa Iloilo.
Umaasa si PSC Chairman William Ramirez na may mga bagong records na maitatala, lalo na sa athletics at swimming.
“With the big number of participants as well as the quality of competition, hopefully many young potentials will surface,” sabi ni Ramirez.
Lahat ng sports ay sabay-sabay na lalaruin sa mga playing venue kung saan tampok ang athletics na may mahigit 40 events at swimming.
“Batang Pinoy is truly a source of national pride and a breeding ground of future athletes. Many young promising athletes, for sure, will surface like in Mindanao and Visayas. We have many talents in the countryside, and through Batang Pinoy, we will tap and discover their potentials,” sabi ni PSC Commissioner Dr. Celia Kiram.
Ipinaabot ni Kiram ang taos-pusong pasasalamat ng PSC kay Mayor Evelyn Diaz sa kanilang interest na i-host ang torneo matapos ang matagumpay na hosting sa Southeast Asian Youth Athletics at National Athletics Championships kamakailan. CLYDE MARIANO