ILOILO CITY – Malapit nang makumpleto ng Batang Pinoy at Palarong Pambansa multi-medalist na si Nathaniel Balajadia ang sirkulo sa pagpapakita ng kanyang kahusayan sa larong arnis matapos ibigay ang gintong medalya para sa Philippine Air Force sa ginaganap na Philippine Reserve Officers Training Corps Games dito.
Idinagdag ng 20-anyos na 2nd year Physical Education student ng West Visayas State University-Main sa kanyang mga koleksiyon ang gintong medalya sa Men’s Non-Traditional Single Weapon ng kompetisyon sa pambansang isport na arnis upang makisalo sa kasaysayan ng natatanging torneo para sa mga kadeteng atleta.
Ang two-time Palarong Pambansa champion noong 2015 sa Davao at 2016 sa Bicol at itinanghal din na 2017 Batang Pinoy multi-neddalist noong 2017 sa Baguio ay lubhang ikinatuwa ang pagdaraos ng torneo na nagbukas dito ng pagkakataon na muling makalahok sa kompetisyon ng arnis.
“Wala na po kasing masyadong arnis national tournament pagdating sa college except po kapag Philippine National Games. Ito lang po pagkakataon ko na makasali uli,” sabi ni Balajadia, na 7 taon pa lamang noong matutong humawak ng stick at sumabak sa mga troneo noong 13-anyos.
Ang arnis ay isinasagawa sa kada dalawang taong Southeast Asian Games na asam maabot ni Balajadia. Hindi naman ito kasali sa Asian GAmes at Olympics.
Nakatakda pang sumabak si Balajadia, na siyang namuno sa mga cadet athletes sa Oath of Sportsmanship sa ROTC Games opening ceremony, sa combat competition o full contact na isinasagawa sa SM City Iloilo. Nagwagi naman ng ginto sa Philippine Army si Marcel John Judicpa ng University of Iloilo-Phinma. Pumalangawa si John Mike Frial ng Capiz State University para sa pilak at pangalto si Meg Ryan Gutierrez ng Cebu Technological University para sa tanso. Sumunod kay Balajadia sa Philippine Air Force division sina Lenar John Avance ng West Visayas State University-Lambunao para sa pilak at Renato Aguado Jr. ng West Visayas State University-Calinog para sa tanso.
Napunta ang ginto para sa Philippine Navy kay RJ Christales Mahinay ng University of Visayas at pilak kay Christon Inting ng Bohol Islands State University – Main.
Kinolekta naman ni Roperly Mae Bangero ng Iloilo State University of Fisheries and Science and Technology ang ginto sa Women’s Non-Traditional Single Weapon sa Philippine Army category.
Pumangalawa si Lexa Villasan ng Northern Negros State College of Science and Technology para sa pilak at si May Flor Castor ng Iloilo State University of Fisheries and Science and Technology ang nag-uwi ng tanso. Napagwagian ni Jazell Joan Agacia ng West Visayas State University – Janiuay ang ginto habang pilak naman kay Mae Ann Cerna ng 527th DAST para sa Philippine Air Force.
Ang Philippine Navy ay napanalunan ni Kyla Omega Dela Torre ng Capiz State University para sa gintong medalya habang ang pilak ay iniuwi ni Aya Faith Gonzaga ng University of Antique. Pangalto para sa tanso si Michelle Tumamak ng Cebu Technological University.
Nagwagi naman sa flyweight si Daniel Panes sa Referee Stopped Contest (RSC) sa Round 1 laban sa kapwa Philippine Army cadet na si Romeo Calupos sa unang laban sa boxing competition sa Robinson’s Jaro.
Umusad din sa bantamweight si Christian Moses via walk-over kay Kent Eugene Adrias habang si Alfred Deslate ay winner on points kay Edramel Mangubat, 4-1. Nanalo rin si Jenel Castilla sa Philippine Air Force category kontra Jhay-R Cadulong sa puntos, 4-1.
-CLYDE MARIANO