YULO HUMAKOT NG 5 GOLDS

Karl Eldrew Yulo

PUERTO PRINCESA – Dinomina ni Karl Eldrew Yulo ng Maynila ang gymnastics event ng 2019 Batang Pinoy National Finals sa paghakot ng limang gintong medalya sa ikalawang araw ng kumpetisyon na gina­nap sa City Coliseum dito.

Ang 11-anyos na si Yulo, nakababatang kapatid ni national team member  at World Championships bronze medalist Caloy Yulo, ay humakot ng ginto sa vault, mushroom, floor exercise, individual all-around at parallel bar, habang nakakuha naman siya ng silver buhat sa high bar event sa cluster 2.

Inamin ni Yulo na hindi naging madali para sa kanya ang pagkopo ng ginto dahil malalaks din, aniya, ang kanyang mga nakalaban.

“Talaga pong pi­naghandaan ko ang game ko ngayon. Halos araw-araw po nag-training po ako kasi gusto ko pong maka-gold po. Iba po kasi ngayon. Malalakas din po ang mga kalaban. Pero basta ako po naglaro lang po tapos naki­pagkaibigan sa mga ibang players po. Kasi sabi po ni coach, kahit hindi ko po kakilala i-wish ko po ng goodluck at palakasin ko po ang loob,” ayon kay Yulo

Samantala, sa cluster 1 gymnastics ay apat na ginto naman ang iniuwi ni Hilarion Palles III ng Pasig City makaraang magwagi sa individual all-around, mushroom, parallel bar at team event.

Sa swimming, sinisid ni Marc Bryant Dula ng Paranaque ang ika-4 na ginto nang pag­harian ang  boys  50m butterfly sa oras na 29.28 at boys 200m backstroke sa kanyang 2.31:95.

“Masayang-masaya po ako. Alam kong masaya rin po si coach Susan para po sa akin,” ani Dula.

Sumabay rin  ang pambato ng Cainta, Rizal  na si Aubrey Tom, na kinuha rin ang kanyang ikaapat na ginto nang manaig sa girls 50m butterfly sa oras na 31.41.

Samantala, humakot ang Pangasinan ng apat na ginto at apat na pilak sa cycling.

Pinangunahan ng magkapatid na Ruben at Rosalie dela Cruz at nina Homer Bordeos at Godwin Castro ang medal assault ng Pangasinan upang patunayan na sila pa rin ang hari sa padyakan.

Dinuplika nina Ruben at Rosalie ang panalo nina Bordeos na nagwagi sa 14-15 years old sa oras na 7.36 seconds at Castro na nanalo sa 12-13 years old sa oras na walong minuto at dalawang segundo.

“Masaya ako dahil nanalo kami ng apat na ginto sa unang araw sa cycling,” sabi ni coach at dating tour veteran Hector Padilla.

Sa athletics, nakasungkit din ng ginto si Mariel Abuan ng Zambales, sa kanyang  pananaig sa high jump girls event sa naitalang 1.54m, habang si Krisha Aguillon naman ng Bacolod City ang naging reyna sa 100m girls sa kanyang naitalang 12.7.

Si Marc Angelo Daroy ng New Washington Aklan  naman ang nagwagi sa 100m boys sa bilis na 11.4, habang si Lyka Catubig ng Davao Xity ang nagreyna sa 2000m walk girls na tumapos ng 10.57.09, at si Aaron Gumban ng Sto. Tomas Davao del Norte naman ang nakasungkit ng ginto sa 2000m walk boys na may 17:15.30. CLYDE MARIANO