BATANG PINOY: PERFECT HIT SA KORONADAL ARCHER

John Carlo Margarito Loreno.jpg

DAVAO DEL NORTE – Naitala ni John Carlo Margarito Loreno ng City of Koronadal ang perpektong kampanya makaraang sungkitin ang kanyang ika-7 gold medal sa  archery kahapon ng umaga sa ginaganap na 2019 Min­danao Qualifying Leg ng Philippine National Youth Games – Batang Pinoy.

Nakopo ni Loreno ang kanyang ika-7 ginto sa ­panghuling event na Olympic Round sa pagbigo kay Mycel Magallanes ng MACO Compostella Valley sa ginanap na ‘first to hit six points’ na labanan kung saan nagawa niyang maitala ang winning score sa huling set, 7-2.

“Masayang-masaya po dahil nagawa ko pong magtala ng record para sa probinsiya namin sa Koronadal,” sabi ng 15-anyos na si Lo­reno, na unang archer sa pro­binsiya na tumudla ng pitong gintong medalya at perpekto sa lahat ng mga distansiya.

Tanging nakakawala kay Loreno ang dapat sana na ika-8 ginto sa team event na hindi nilaro dahil sa kakulangan ng mga kalahok na koponan sa tor-neo na inorganisa ng Philippine Sports Commission (PSC) para sa mga atletang may edad 15-anyos pababa.

Una nang nakuha ni Lo­reno ang mga ginto sa  30m, 40m, 50m, 60m, Single Fita at Mixed team bago nito kinubra ang ika-7 ginto sa panghuling event na Olympic Round.

“Huli ko na po na Batang Pinoy ito kaya po nagpapasalamat ako dahil nakagawa ako ng record dito sa tournament at sana po makayanan ko pa na  manalo sa national finals,” sabi ng 15-anyos na honor student sa Grade 9 sa Koronadal National Comprehensive High School.

Bukod kay Loreno, nag-ambag din ng limang golds at isang silver ang teammate na si Precious Micah Basadre, na dinomina ang Cadet Girls 60m event sa 6-2 panalo kontra Ynjel Mikaella Gimena ng Zamboanga City na nagkasya sa pilak.

Lubos ang pasasalamat ni Basadre sa ama at coach na si Florentino Basadre Jr. sa suportang ipinagkakaloob nito, gayundin sa pamahalaang lokal ng Koronadal.

Sa swimming, lumangoy ng limang ginto si  John Alexander Michael Talosig ng North Cotabato matapos na pagharian ang kanyang hu­ling event na 400m freestyle sa oras na 4:28.85, kasunod sina Alteddy James Sumaoy ng Davao del Norte (4:34.52s) at Leonardo Dalman III ng Dipolog City (4:42.97s).

Dalawang ginto naman ang naisubi ni Jeanky Da­mina ng General Santos sa athletics nang madominahan ang girls high jump (1.35m) at girls 800m (2:11.54), gayundin ni Febie Joy Mancera ng Hagonoy, Davao Del Sur sa pagwawagi sa girls discus throw (28.28m) at girls shotput (9.66m).

Unang nakakuha ng dalawang ginto sa athletics si Aaron Gumban ng Sto. Tomas Davao del Norte nang magwagi sa 2000m ­steeplechase sa oras na 7:06.11 matapos na iuwi ang unang ginto sa athletics sa 5000m run.

Tuluyan na ring lumayo para sa pangkalahatang kampeonato ang Davao City na may 42-31-47 sa kabuuang 120 medalya habang nasa likod ang General Santos City (21-25-27=73) at  ang Koronadal City na may 21-10-6=37.

Comments are closed.