BUKAS, magsisimula na ang 2022 Batang Pinoy National Championships na gaganapin sa Vigan, Ilocos Sur. Ang nasabing paligsahan ay pinamumunuan ng Philippine Sports Commission sa ilalim ni PSC chairman Jose Emmanuel “Noli” Eala. Bilang host province, malaki ang papel ni Ilocos Sur Gov. Jeremias “Jerry” Singson upang siguraduhin na matagumpay ang nasabing taunang paligsahan.
Ang kakaiba lamang dito, isinama sa Batang Pinoy ang mga paligsahan sa mga may edad 15 pababa. Ang huling Batang Pinoy, bago tayo tinamaan ng pandemya, ang host team na Baguio City at nanalo bilang overall champion.
Inaasahan na magiging matagumpay ang Batang Pinoy 2022 sa ilalim ng PSC chairman Noli Eala. “The 2022 Batang Pinoy National Championships is actually going to be the first PSC-organized competition under my watch,” ang paliwanag ni Eala.
Sa pagsinaya ng Batang Pinoy, si Olympic silver medalists Carlo Paalam at Nesthy Petecio ay dadalo sa opening ceremony na gaganapin sa Quirino Stadium sa Bantay, Ilocos Sur. Ang dalawang kampeon na boksingero ay produkto ng PSC grassroots program. Kasama na dadalo sa Batang Pinoy ay sina national elite athletes, Olympic judoka Kiyomi Watanabe, SEA Games gold medalists Chloe Isleta at Mary Allin Aldeguer.
“The Batang Pinoy program has already produced numerous champions in various sports since it started in 1999. I am sure that the stories of our bemedaled athletes will inspire our young athletes who will be competing in Ilocos Sur, to reach the height they have achieved,” ayon kay PSC Chairman Eala na pormal na magbubukas ng Batang Pinoy Games. Ito ay ang kauna-unahang malaking proyekto niya bilang pinuno ng PSC.
Batang Pinoy o National Youth Games ay maituturing na isa sa mga centerpiece programs para sa grassroots sports ng PSC. Ito ay kasama ng panawagan ni President Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. upang ilapit at magbigay oportunidad sa mga kabataan na gumaling sa larangan ng palakasan at magbigay karangalan sa ating bayan.
Ang Batang Pinoy 2022 ay suportado ng iba’t ibang sektor ng ating lipunan. Dadalo rin sina Philippine Olympic Committee (POC) President Abraham “Bambol” Tolentino, Office of the President Executive Secretary Lucas Bersamin, House of Representative Youth and Sports Development Chairman Cong. Faustino Michael Carlos Dy III, at mga lider at opisyal nga mga National Sports Association (NSA).
Tinatayang mahigit na 6,000 mga atleta ang sasali sa mahigit na 140 local government units sa paligsahan ng archery, athletics, badminton, chess, cycling, table tennis, swimming, weightlifting, at ang bagong laro na obstacle course racing bilang isang demo sport.
Ang paligsahan ay nagsisimula sa archery sa San Ildefonso Central School, badminton sa Ilocos Sur Badminton Center, chess sa Baluarte Function Hall, swimming sa Quirino Stadium, at table tennis at San Vicente Gymnasium.
Walong sports disciplines tulad ng arnis, dancesport, judo, karate, muay, pencak silat, taekwondo, at wushu, ay mapapanood sa pamamagitan ng PSC Facebook at YouTube platforms.
Inaasahang umpisa na ito upang manumbalik ang tinatawag na ‘Glory of Philippine Sports’.