BATANGAS AYAW LUBAYAN NG LINDOL

Lindol

MISTULANG naging normal na sa mga residente sa Batangas ang pag-uga.

Ito ay nang magkakasunod pa rin ang nararanasang volcanic earthquake sa Batangas dahil sa pag-aalburuto ng Bulkang Taal.

Ang epicenter ng mga naitatalang lindol ay sa mga bayan ng Agon­cillo, Laurel, Talisay, Calaca, Lemery, Mataas na Kahoy sa Batangas at sa Tagaytay City.

Alas-12:21 ng mada­ling araw nang maitala ang magnitude 3.1 sa Agoncillo, Batangas.

Magnitude 3.4 na pagyanig naman ang tumama sa Tagaytay City, ala-1:14 ng madaling araw.

Makalipas lang ang i­lang minuto, ganap na ala-1:18 ng madaling araw ay muling niyanig ng magnitude 3.0 na lindol ang bayan ng Agoncillo.

Alas-2:05 naman ng madaling araw nang tumama ang magnitude 3.9 na lindol sa bayan ng Talisay.

Sa nasabing pagyanig ay naitala ang intensity IV sa Tagaytay City, at Intensity I sa Pasig City at Malabon City.

Niyanig din ng magnitude 3.1 na lindol ang bayan ng Calaca alas- 2:40 ng madaling araw.

Magnitude 3.3 naman ang tumama sa Laurel, Batangas alas-2:51 ng madaling araw at magnitude 3.6 sa Taal, Batangas alas-2:58 ng umaga.

Sa pagitan ng alas- 4:09 hanggang alas-4:55 ng umaga ay magkakasunod na magnitude 3.3 at dalawang 3.1 ang naitala sa Agoncillo.

Pawang hindi naman inaasahang magdudulot ng pinsala ang nasabing mga pagyanig na naranasan sa Batangas.

Sinasabing nasa 200 beses nang naramdaman ang pagyanig simula nang maitala ang phreatic eruptions kung saan nagbuga ng bato, usok at abo ang Taal Volcano. PILIPINO MIRROR REPORTORIAL TEAM