BATANGAS CITY GRAND TERMINAL:  DISENYONG ASENSO UMUUSBONG NA

batangas city grand terminal

TATLONG taon na ang nakalilipas nang idisenyo ni dating ALC Group of Companies Chairman Antonio Cabangon Chua ang pag-asenso sa Batangas City Grand Terminal (BCGT)  o dating kilalang Batangas City Public Terminal  na nasa Diversion Road, Brgy. Alangilan, Batangas City.

Sa kaniyang vision noon, kapag inayos ang pasilidad, uusbong ang oportunidad para sa mga negosyo at trabaho para naman sa mga residente roon.

Hindi nagkamali ng pananaw si Amba, unti-unti, ang disenyong nasa kanyang isipan ay natutupad.

Sa lawak na halos pitong ektarya na bus at jeepney terminal, sinabi ni Amba na sisibol ang sentro ng komersiyo  roon kung saan maraming establisimiyento ang matatayo gaya ng pamilihan, bangko at iba’t ibang serbisyo.

MODERNISASYON TINUTUKAN

Unang inatasan ni Amba ang yumaong si Tata Boy Salazar para maging bastonero para sa  modernisasyon ng BCGT at binuo ang Batangas Ventures Project and Management Corporation (BVPMC) para maging overseer sa nasabng proyekto at itinalaga si Ms. Cecilia Mendoza bilang ang Administrative Officer.

“Gusto kong magkaroon ng ganyang terminal sa Batangas,  para sa bus at jeep at hindi lang  dahil sa may ligtas na babaan at sakayan ang mga tao, kundi nais ko na magkaroon ng pamilihan diyan na  malaking tulong sa publiko, magkakaroon diyan ng fastfood chain, iyan din ang magiging bagsakan ng gulay at iba pang kalakal,” pahayag ni Amba sa PILIPINO Mirror, noong Disyembre 23, 2015.

EKONOMIYA GUMAGANA NA

Makaraan ang puspusang konstruksiyon sa tatlong building na A, B, at C, malaki na ang ipinagbago ng BCGT.

Sinabi pa ni Ms. Mendoza na kasabay ng pag-unlad sa pasilidag ang dagdag na tauhan na nangangahulugang, natupad ang hangad na “job creation” ni Amba.

Dahil ang dating maalikabok at hindi organisadong bus at jeep terminal ay  unti-unti na ring one-stop shop   o isang mini-business center  at park and ride.

Halos lahat ng stall sa Building C na pangunahing nakapagseserbisyo sa mga ordinaryong mananakay ay puno na rin habang marami pang nagpahayag na nais na magtayo ng kanilang negosyo sa nasabing pasilidad.

Isa sa kilalang store ay naroon na rin sa BCGT, ang 7-Eleven Store habang may mga kilala na ring fast food chain ang nagpahiwatig na interesado sila sa pagtatayo ng kanilang puwesto roon.

SHOPWISE PINA­KABAGONG ESTABLISIMIYENTO SA GRAND TERMINAL

Noong Disyembre 21, binuksan ang kauna-unahang Shopwise sa Batangas City na may lawak na 1.2 hectares.

“Ito ang pinakamalaking puwesto sa Grand Terminal, maliban sa terminal and holding area, ay napakasaya ng terminal dahil isa itong malaking achievement,” ayon kay Ms. Mendoza.

Naniniwala si Ms. Mendoza na kabilang sa dahilan kung bakit sa kanila itinirik ng Rustan Supercenter, ang operator ng Shopwise, ang panibagong shopping center ay dahil matao ang Grand Terminal.

“Matao rito, at malaki ang oportunidad na makakamit ang target na income dito,” ayon kay Ms. Mendoza.

Dagdag pa ng BVPMC, dahil sentro ng transportasyon sa lalawigan ang BCGT, buhay na buhay ang kalakalan dahil walang inorasan ang mga tao roon.

WELL SECURED

Tiniyak din ng pamunuan ng Grand Terminal  na ligtas ang mga mananakay at mamimili sa terminal dahil well trained ang kanilang mga tauhan lalo na ang mga security guard.

Maging ang mga vendor na umaakyat sa mga bus ay tinuruan nila ng customer care.

“Gusto naming matatakan kami na kapag Batangas Terminal, dito ay secured at magalang ang mga tao,” ayon pa kay Ms. Mendoza.

Panawagan din ng pamunuan ng BVPMC sa mga nais magtayo ng negosyo sa pasilidad na isang business hub ang terminal habang ang mga mananakay ay ligtas at lahat ng kailangan ay naroon na. EUNICE CALMA

Comments are closed.