NAHAHARAP sa matinding pakikibaka ang kabuhayan ng livestock farmers sa Batangas kasunod ng pagsabog ng Bulkang Taal.
Isang hograiser na si Socrates Daniel mula sa Barangay Bugaan West, Laurel ay napipintong malugi ng P300,000 kapag hindi niya naibenta ang tinatantiyang 80 baboy.
Nawalan na siya ng limang baboy habang ang iba naman ay nangangayayat na dahil sa pagkagutom mula nang ang bayan ay isailalim sa lockdown.
“Kahit ho lugi, maglalabas kami ng baboy para may magastos naman. Lalo na mga bata, magpapasukan na rin,” sabi niya.
Nauna nang sinabi ng Department of Agriculture (DA) na magbibigay sila ng 20 sako ng hog feed sa mga biktima ng Taal Volcano eruption.
Pero sinabi ng Batangas Provincial Veterinary Office, na wala pa silang natatanggap na mga hog feed.
Samantala, maari namang mawalan ng P30,000 kita ang tilapia breeder na si Carlos Atienza kapag hindi siya pinayagan na nakapag-breed ng isda sa Taal Lake.
Sinabi ng DA na magbibigay sila ng pitong milyon na tilapia fingerlings para makatulong sa fish breeders na tulad ni Atienza.
Mag-aalok din ang ahensiya ng P1,200 pautang sa mga manggagawa sa sektor ng agrikultura na nawalan ng kabuhayan dala ng pagsabog ng Bulkang Taal.
Umabot na sa P3-bilyon ang pinsala sa agrikultura mula sa pagsabog ng bulkan, ayon sa National Disaster Risk Reduction and Management Council.
Comments are closed.