BATANGAS PNP HANDA NA SA BSKE 2023

BATANGAS- TINIYAK ni Batangas Police Provincial Office Director Colonel Samson Belmonte na puspusan ang paghahandang ginagawa para sa Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE) na gaganapin sa darating na Oktubre 30.

Kaugnay nito, 74% ng kabuuang puwersa ng pulisya ng Batangas ang ipapakalat at itatalaga sa ibat-ibang lugar upang masiguro ang mapayapa at ligtas na pagsasagawa ng halalan.

Mayroon din dagdag puwersa na manggagaling mula sa Armed Forces of the Philippines, Bureau of Fire Protection, Bureau of Jail Management and Penology, at Philippine Coast Guard.

Samantala, mayroong kabuuang 34 fixed COMELEC checkpoints ang nakatayo sa buong lalawigan ng Batangas, isang checkpoint bawat bayan na magtatagal hanggang Nobyembre 29, 2023.

Patuloy din ang pagsasagawa ng mga pakikipagpulong sa iba’t ibang ahensya ng gobyerno upang maging buo at konkreto ang mga paghahanda sa halalan.

“Ako po ay nananawagan sa publiko na makipagtulungan po sa mga awtoridad upang maging maayos ang ating pagdaraos ng nalalapit na halalan. Makakaasa po kayo na gagawin ng inyong kapulisan ang abot ng makakaya upang mapanatiling ligtas at payapa ang eleksyon ngayong taon,” apela at pakiusap sa mamamayan ng lalawigan ng Batangas ni Col. Belmonte. BONG RIVERA