PINANGUNAHAN ng tubong Batangas na si Clevic George Daluz ang limang promising tankers para sa Most Outstanding Swimmer (MOS) awards matapos ang pamamayagpag sa tatlong event ng kani-kanilang age-group class sa pagtatapos ng COPA-Golden Goggle Leg 1 at 2 kahapon sa Teofilo Yldefonso swimming pool sa Rizal Memorial Sports Center (RMSC) sa Malate, Manila.
Ang 8-anyos na Grade 1 pupil sa Agustin Ramos Memorial Elementary School sa Balayan ay nanguna sa boys’ 8-yrs class 50-m backstroke sa tiyempong 51.03 segundo at 100-m breaststroke sa oras na 2:01.11 matapos ang pagwawagi sa 200-m freestyle (3:36.78) sa opening day nitong Sabado.
Ang iba pang triple gold winners ay sina Marcus Pablo, John Rey Lee,, Samantha Mia Mendoza at Jamie Aica Summer Sy. Lahat sila ay kwalipikado para sa Luzon Championship sa Agosto kung saan ang mga nangungunang manlalangoy ay makakasagupa ng pinakamahuhusay na atleta mula sa Visayas at Mindanao Regional Championship ng torneo na inorganisa ng Congress of Philippine Aquatics, Inc. na pinamumunuan ni swimming icon at Batangas 1st District Congressman Eric Buhain.
Si Pablo, na nanalo rin sa boys’ 7-yrs-class 200-m freestyle (4:14.17) nitong Sabado, ay muling naghari sa 50-m back (1:00.01) at 100-m breast (2:14.28); habang nasungkit ni Lee ang pinakamataas na karangalan sa 9-yrs age group matapos manalo sa 100-m breast (2:10.26), 50-m back (52.33) at 200-m free (3:17.50).
Ang ipinagmamalaki ng Coach King Swimming Team, si Mendoza ang nanguna sa girls’ 8-yrs. class 100-m breast (2:13.77); 50-m breast (55.29) at 200-m free (3:23.73), habang tinapos ni Sy ang kanyang performance sa girls’ 12-yrs class na nanalo sa 100-m breast sa oras na 1:41.87. Nagwagi rin siya sa 50-m back (38.68) at 200-m free (2:43.10).
Ang iba pang nagwagi ay sina Keisha Blair ng Flying Lampasot sa girls’ 14-yrs class 50-m back (35.39); Marie Rejuso sa 15-yrs (34.11); Dane Urquico sa 16-yrs (34.38); Fie Dolliente sa 17-yrs (35.15); Dianna Cruz sa 18-yrs over (33.73);
Ivoh Gantala sa boys’ 12-yrs 200-m butterfly (3:09.38); Mark Perez sa 13-yrs (2:49.41); Clyde Jose sa 14-yrs (2:32.29); Antonio Reyes sa 15-yrs (2:40.13); Meynard Marcelino sa 16yrs (2:23.230; Angelo Sadol sa 17-yrs (2:16.76) at Kent Cagape sa 18-over (2:15.08).
EDWIN ROLLON