NAGKANGIPIN ang kampanya “Kontra Esterorismo” ng Pasig River Rehabilitation Commission (PRRC) na naglalayong protektahan ang mga estero, sapa at ilog na tributaryo ng Pasig River sa Metro Manila.
Natiyak ito matapos ang pagbisita ni PRRC Executive Director Jose Antonio “Pepeton” E. Goitia kay National Capital Regional Police Office (NCRPO) director Chief Supt. Guillermo Lorenzo T. Eleazar noong Agosto 3, 2018 kung kailan nangako itong tutulong ang pulisya sa pagdakip sa mga taong nagtatapon ng kanilang basura sa mga tributaryo ng Pasig River.
Sa pakikipagpulong ni Goitia, nangako sa kanya si Eleazar na tutulong ang NCRPO sa paglaban ng PRRC kontra “Esterorismo” sa iba’t ibang tribu-taryo ng Pasig River sa buong Metro Manila.
Inilunsad ng PRRC ang nasabing kampanya para matigil na ang pagtatapon lalo ng mga informal settler families ng kanilang mga basura tulad ng plastik sa mga estero, sapa at ilog na tributaryo ng Ilog Pasig.
Tiniyak din ni Goitia na pananagutin ng PRRC sa batas ang mga patuloy na nagtatapon ng kanilang mga basura sa mga estero, sapa at ilog sa Metro Manila.
“Kailangan na talaga ang kamay na bakal sa mga ‘esterorista’ sa iba’t ibang lugar sa Metro Manila dahil kung hindi namin gagawin ito ay kawawa ang mga kabataan sa hinaharap na walang maaabutang malinis na Pasig River kaya nagpapasalamat ako kay Director Eleazar sa kanyang napakahalagang tulong para masawata ang mga nagtatapon ng basura lalo sa mga estero,” dagdag ni Goitia.
Comments are closed.