GUSTO nating amyendahan ang anti-hazing law upang mawakasan ang kultura ng impunity na nakakulapol sa mga nangyayaring hazing sa iba’t ibang panig ng bansa.
Maituturing na kasabwat ang mga naging biktima ng hazing dahil sa pagpayag ng mga ito na mangyari ang hazing sa kanila.
Tayo mismo ay miyembro ng Ateneo Law-based fraternity, bagitong sumali sa organisasyon noon na ang pagkakaalam ay hahantong ito sa hazing at kung sakaling nangyari ito sa akin ay dapat din tayong managot sa batas bilang kasabwat.
Sa maraming kaso, ang mga estudyante ay sumasali sa organisasyon sa kabila ng lahat na alam nilang makararanas sila ng hazing. Umaasa at tiwala tayo na sila’y mapipigilang sumali sa isang samahan na may kultura ng hazing kung may sapat silang kamalayan ukol dito, gayundin, ay maaaring maparusahan ng batas.
Gayunpaman, may ilang mga kasabwat na gumagawa ng paraan upang makalusot o mapawalang sala – kung sila’y nakahandang magbunyag ng lihim at tetestigo para sa pag-uusig. Ang mga biktima na handang magsalita laban sa mga ginawa sa kanya na labag sa kanyang kagustuhan ay maaaring gawing state witness.
Kung may mga biktima na handang proteksiyonan ng batas, mabibigyan ng katiyakan laban sa posibleng paghihiganti, marahil sa susunod na mga kaso ng hazing ay mas higit na magtatagumpay tayo kaysa mabigo.
Sa ating isinusulong na batas, nakasaad dito na kailangang may mahanap na dalawang elemento sa biktima bago ito maikonsiderang kasabwat ng hazing.
Una, ang aplikante ay dapat nagkusang-loob at nagbigay pahintulot na siya ay maging biktima ng hazing.
Pangalawa, ang biktima ay dapat na sadyang makipagtulungan sa aktuwal na pagpapatupad ng hazing, nangangahulugan na ang ginawang hazing ay totoong nangyari at ang biktima ay kusang-loob na pinahintulutan itong gawin sa kanya.
Nais nating mawakasan ang kultura ng impunity sa mga organisasyon na umaabuso sa kanilang hinihikayat na maging miyembro, kaya dapat nating gawin na mas mahigpit ang anti-hazing law. Gaya nga ng madalas sabihin, walang maaapi kung walang nagpapaapi.
Comments are closed.