BATAS NG PAGPAPARAMI NG DIYOS

Heto Yumayaman

“SINABI ng Diyos, ‘Magpakarami kayo at punuin ninyo ng inyong mga anak ang buong daigdig, at kayo ang mamahala nito. Binibigyan ko kayo ng kapangyarihan sa mga isda sa tubig, sa mga ibon sa himpapawid, at sa lahat ng mga hayop na nasa ibabaw ng lupa.’” (Genesis 1:28)

Akala ng maraming tao sa panahon ngayon na walang kinalaman ang Diyos sa pagyaman at pag-asenso sa buhay. Mayroong paraan ng malinis na pagyaman na itinuturo ng Diyos.  Subalit may mga taong naiinip sa paraan ng Diyos.  Ang tingin nila, ang paraan ng Diyos sa pagyaman ay masyadong mabagal.  Naiinip sila at naiinggit sa ibang taong yumayaman sa hindi makadiyos na paraan.  Nagagahaman sila sa pera.

Nagmamadali silang yumaman.  Tuloy, natutukso silang gumawa ng mga paraang nakapipinsala sa kapwa-tao o kaya ay labag sa batas.  Dumadami ngayon ang mga taong manloloko.  Ang daming mga scammer at swindler.  Sa internet, sa tantiya ko, mga 90% ng mga taong nag-aalok ng mga financial scheme ay mga manloloko o scammers.  At maraming tao ang naloloko o nagpapaloko dahil sila mismo ay mga gahaman sa pera o kaya ay ignorante.

Diyos ang pinagmumulan ng lahat ng tunay na yaman.  Diyos ang maylikha ng lahat ng bagay sa daigdig.  Siya ang may-ari ng lahat ng yaman sa mundo.  Ang orihinal na plano ng Diyos ay gawin ang tao na maging katiwala niya sa lupa na magpapayabong at magpapaunlad ng lahat ng ginawa ng Diyos.  Lumikha ang Diyos ng “Batas ng Pagpaparami” (Law of Multiplication) na umiiral sa mundo para tulungan ang taong yumaman sa malinis na paraan.  Ang lahat ng nilikha ng Diyos na may buhay ay nanganganak at dumarami.  Kung magiging tapat at mahusay na katiwala ang tao, kaya niyang yumaman sa pamamagitan ng paggamit ng Batas ng Pagpaparami.

Halimbawa, magsimula ka sa isang lalaking manok at isang babaeng manok.  Paanakin mo nang paanakin ang mga ito, at magkakaroon ka na ng manukan.

Magsimula ka sa isang lalaking baboy at isang babaeng baboy, paanakin mo sila nang paanakin, at ‘di magtatagal ay magkakaroon ka na ng babuyan.  Pagkain ito ng iyong pamilya. Ang sobra ay puwede mong inegosyo at magkakaroon ka ng kita na pambili ng ibang pangangailangan.

Magtanim ka ng binhi ng anumang prutas, alagaan mo, at paglipas ng panahon ay magkakaroon ka ng punong-bunga na nagbubunga ng maraming prutas.  Itanim mo uli ang mga binhi, at ‘di magtatagal ay magkakaroon ka na ng orchard ng mga punong-bunga.  Pagkain ito ng iyong pamilya.  Ang sobra ay puwede mong ipagpalit sa produkto ng iyong kapitbahay o kaya ay inegosyo at magkakaroon ka ng kita.

Magtanim ka ng gulay.  Halimbawa, ang kangkong ay napakadaling paramihin. Pumutol ka lang ng isang sanga ng kangkong, ibaon mo sa lupa ang dulo nito.  Paglipas ng ilang araw, lalaki ang halamang ito, magsasanga-sanga, dadami nang dadami, at magkakaroon ka na ng hardin ng gulay.

Napakabuti ng Diyos.  Siya ang maylikha ng Batas ng Pagpaparami.  Regalo ng Diyos ito sa sangkatauhan.  Ang kailangan lang ng tao ay sipag at tiyaga.  Sa totoo lang, hindi mo na kailangang bumili ng binhi.  Iligtas mo lang ang mga buto o binhi ng mga gulay o prutas na kinakain mo, pagkatapos ay itanim mo, at magkakaroon ka na ng hardin ng pagkaing halaman.

Ang kalaban lang talaga ng maraming tao ay katamaran at kamangmangan.  Ang sabi ng salawikaing Pilipino, “Ang taong tamad, kadalasa’y salat” at “Kapag tamad, walang palad.”  Ang sabi naman ng Bibliya, “Lazy hands make a man poor; diligent hands bring wealth” (Ang kamay na tamad ay tiyak na magdarahop, ngunit magbubunton ng yaman ang kamay na masinop, Kawikaan 10:4).  “Ang ayaw magtrabaho ay hindi dapat kumain.” (2 Tesalonica 3:10)  Ang kasabihan ko naman ay “Ang kinakain ng tao ay dapat galing sa trabaho.”

Ako ay nagtapos ng sikolohiya sa unibersidad.  Wala akong karanasan sa agrikultura.  Wala akong alam sa gardening.  Subalit magmula ng magkaroon ng pandemya, kumaunti ang aking mga proyektong pinagkakakitaan. Kaya, para huwag masayang ang aking panahon, nagsimula akong magtanim ng mga gulay sa aking bakuran at mag-alaga ng mga native chickens.  Inunawa at ginamit ko ang Batas ng Pagpaparami ng Diyos. Nagsimula ako sa sa isang tandang at tatlong babaeng manok.  Pinaitlog ko.  Ang maraming itlog ay inani ko para gawing pagkain ng aking pamilya.  Ang maraming ibang itlog ay pinapisa ko sa aking mga inahin.  Bumili rin ako ng incubator at pinapisa ko ang mga itlog.

Dumami ang aking mga alagang manok.  Kinakatay ko ang dalawang sobrang manok kada ikalawang lingo. Nasisiyahan ang pamilya ko sa pagkain ng masarap na native chickens.  Nagtanim ako ng samu’t saring gulay —  Chinese kangkong, okra, ampalaya, kamatis, spinach, atbp. Malaki ang natitipid ko sa gastusing pagkain.  Malaking tulong ito sa aking pag-iipon.  Napagtanto ko na ang gawaing gardening at livestock productionay ang orihinal na trabahong ibinigay ng Diyos kay Adan at Eba.  Napakasaya pala ng gawaing ito at madali lang.  Sa tulong ng Batas ng Pagpaparami, puwede tayong yumaman.



(Maaari ninyong mapakinggan si T.Rex magturo sa kanyang YouTube Channel “PASSION FOR PERFECTION Inc.” Pakibisita po at mag-subscribe.  Salamat.)