Batas ng Tanim at Ani

Heto Yumayaman

“HINDI ang nagtatanim o nagdidilig ang mahalaga kundi ang Diyos, sapagkat siya ang nagpapatubo at nagpapalago” (1 Corinto 3:7)

Marupok ang tao.  Ang dali-dali niyang yumabang.  Kaunting pagyaman lang ay lalaki na kaagad ang ulo.  Hindi niya nalalaman na napakadali para sa Diyos na hipan ang lahat, at mawawala na ang lahat ng kayaman niya.

Naaalala ko noong nagtatrabaho pa ako sa unibersidad, may nag-imbita sa aming isang pharmaceutical company para magturo ng Labor-Management Cooperation.  Ang Filipino Manager na nangangasiwa sa kompanya ay saksakan ng yabang.  Noong panahong iyon, siya ay nasa rurok ng kanyang kalusugan at kapangyarihan.  Kung mag-utos siya sa mga empleyado niya, para siyang isang commander sa military.  Pati kami na mga consultant ng kompanya niya ay trinato niyang mga hamak na katulong.

Inis na inis ang dekano ng aming kolehiyo dahil sa masamang pagtrato sa amin.  Sa kabila ng panghihiya niya sa amin, hindi niya itinuloy ang pagpapatakbo ng aming programa.  Nagsayang lang kami ng oras.  Umalis kami na nasiphayo ang kalooban.  Makalipas ang ilang taon, nagtrabaho ako sa Zuellig Pharma Corporation.  Ang isang empleyado namin ay anak ng mayabang na Filipino Manager na nakilala ko noon.  Inimbitahan ako ng kapwa empleyado ko na bumisita sa kanilang tahanan para ipagdiwang ang kaarawan ng kanyang ama.  Pagbisita namin, nakita kong ang ama niya ay ang dating mayabang na Filipino manager.  Nagkaroon siya ng stroke at baldado na ang kalahati ng kanyang katawan.  Wala na siyang trabaho at umaasa na lang sa awa ng kanyang pamilya.  Hindi siya makapagsalita nang maayos at tumutulo ang kanyang laway.  Kalunos-lunos ng kanyang kalagayan.  Ibang-iba na siya sa dating mayabang na manager na nakilala ko noon.  Bigla kong naisip, “Ang nagmamataas ay ibababa.”

Ganoon din sa paghahanapbuhay, pagnenegosyo at pagpapayaman.  Kung tayo ay may trabaho at kita, dapat ay maging mapagkumbaba at mapagpasalamat tayo.

Kilalanin nating regalo ng Diyos ang ating hanapbuhay.  Ang Diyos ang tunay na boss natin, hindi ang sinumang tao.  Ang perang kinikita natin ay regalo ng Diyos at Siya ang tunay na may-ari; tayo ay katiwala lamang ng Diyos.  Dahil regalo lang ng Diyos ang trabaho o negosyo natin, at Siya ang tunay na boss natin, dapat ay buong puso tayong magtrabaho at ialay natin ang trabaho natin sa Kanya.  Lahat ng kita natin ay dapat hindi basta-basta ang paggasta natin.  Dapat ay kinokonsulta natin ang Diyos kung puwede ba nating gamitin ang ating pera sa pagbili ng kung ano-ano.  At dapat ay tiyakin nating nakalinya sa kalooban ng Diyos ang paggastos natin.

Malinaw na mayroong batas ng “Kung ano ang itinanim, siyang aanihin” na umiiral sa mundo.  Karugtong ng batas na ito, “Ang nagtatanim nang kaunti ay mag-aani ng kaunti; ang nagtatanim nang marami ay mag-aani ng marami.”  Ang papel ng tao ay siya ang magbubungkal at magtatanim.  Subalit ang Diyos ay ang nagpapatubo.  Ang Diyos ay ang pinagmumulan ng buhay.  Siya ang buhay at buhay na walang hanggan.  Siya ang lumikha ng buhay.  Ang buhay ng tao, hayop at halaman ay galing sa Diyos.  Ang mga halamang tanim ay may kakayahang umusbong mula sa binhi, tumubo, lumaki, mamulaklak, magbunga at dumami dahil sa kapangyarihan ng Diyos.  Kahit magpagal sa pagtatanim ang magsasaka, kung hindi paiiralin ng Diyos ang Kanyang batas ng pag-usbong, pagtubo, paglaki, pagbulaklak, pagbunga at pagdami, walang silbi ang pagpapagal ng tao.  Kahit walang taong magtatanim, kaya ng Diyos pairalin ang batas ng pag-usbong, pagtubo, pagbunga at pagdami.  Ang Diyos ang nagtanim ng Hardin ng Eden na pinakinabangan nina Adan at Eba.   Maraming gubat sa daigdig dahil ang Diyos ang nagtanim ng mga ito.  Kayang gamitin ng Diyos ang mga ibon, mga kulisap, mga hayop sa gumagala sa lupa, at pati hangin para ikalat ang mga binhi ng samo’t saring halaman at punong-kahoy at tutubo ito at dadami.

Kaya, kung tayo ay magtatanim, dapat ay umasa tayo sa Diyos na may kapangyarihan sa Batas ng tanim at ani.  Anuman ang ating trabaho at pinagkakakitaan, dapat ay umasa tayo sa Diyos na nagpapatakbo at nagpapanatili ng buhay sa sanlibutan.  Pag tayo ay nagtatrabaho, dapat simulan natin sa panalangin.  Ang turo ng Bibliya, “Kay Yahweh ka magtiwala, buong puso at lubusan, at huwag kang mananangan sa sariling karunungan. Sa lahat ng iyong gawain siya nga’y alalahanin, upang ika’y patnubayan sa iyong mga tatahakin.” (Kawikaan 3:5-6)

Dahil may batas ng tanim at ani, puwede tayong payamanin nito sa malinis na paraan.  Kung ano ang iyong itinanim, siya mong aanihin.  ‘Pag nagtanim ka ng palay, aani ka ng palay.  Kung nagtanim ka ng mangga, aani ka ng mangga. ‘Pag nagtanim ka ng katamaran, aani ka ng kahirapan. ‘Pag nagtanim ka ng kasipagan, aani ka ng pagyaman. ‘Pag gagastahin mo ang lahat ng pera mo, wala kang ipon at mapapautang ka. ‘Pag palautang ka, magiging alipin ka ng ibang tao at puspos ng balisa ang buhay mo. ‘Pag mag-iipon ka, may magagastos ka sa panahon ng emergency.  ‘Pag mamumuhunan ka nang matalino, dadami ang pera mo at malamang na yumaman ka. ‘Pag pinili mong maging empleyado, kikita ka ng fixed salary; hindi ka gaanong yayaman, subalit marahil na magiging kasapi ka ng middle class.  ‘Pag pinili mong maging negosyante, mas malamang na yayaman ka.

vvv

(Maaari ninyong mapakinggan si T.Rex magturo sa kanyang YouTube Channel “PASSION FOR PERFECTION Inc.” Pakibisita po at mag-subscribe.  Salamat.)