NANINIWALA si Health Secretary Franciso Duque III na hindi na kailangang magkaroon ng panibagong batas para sa pagsasalegal sa paggamit ng medical marijuana sa bansa.
Sa ilalim ng Comprehensive Dangerous Drugs Act, ayon kay Duque, ay pinahihintulutan na rin ang paggamit ng marijuana sa medical purposes lamang.
Ayon kay Duque, ang polisiyang ito ay ipinapatupad sa pamamagitan ng Food and Drugs Administration (FDA) circular na naglalatag ng guidelines para sa issuance ng isang compassionate special permit.
Binibigyan ng access ng FDA Circular 2014-009 ang paggamit ng mga gamot na hindi rehistrado ng Filipinas para sa “com-passionate use” sa ilang piling sakit.
Samantala, inirerespeto ng kalihim ang nagbagong posisyon ni Pangulong Rodrigo Duterte sa pagkontra sa panukalang batas para sa paggamit ng medical marijuana sa bansa.
Sinabi ni Duque na posibleng may nakitang butas ang Pangulo sa medical marijuana bill.
Maari rin umanong mayroong bagong kaalaman ang Pangulo sa epekto ng paggamit ng medical marijuana kaya nagbago ang kanyang posisyon.
Nauna rito ay inaprubahan na ng Kamara de Representantes sa ikatlo at huling pagbasa ang House Bill 6517 o Philippine Compassionate Medical Cannabis Act noong buwan ng Enero.