DAPAT lamang na balikan ang Anti-Bullying Act of 2013, at palakasin ang naturang batas para agarang malutas ang mga kaso ng bullying.
Sinabi ito ni Senadora Grace Poe matapos kumalat sa social media ang insidente ng bullying na kinasangkutan ng mga high school student.
“Kahit sino na nakakita sa video ng insidenteng ito ay maiintindihan na ang bullying ay isang kasuklam-suklam na aksiyon at insulto sa ating pagkatao,” ani Poe.
“Mayroong batas laban sa bullying ngunit naniniwala tayo na dapat itong pagtibayin at atasan ang mga paaaralan na magkaroon ng kongkreto at agarang aksyon,” dagdag ni Poe, vice-chairperson ng komite ng public order sa Senado.
Dahil sa insidente kamakailan, idiniin ni Poe na dapat muling suriin ang batas upang mapunan ang anumang kakulangan sa pagtugon sa problema ng bullying.
Sa ilalim ng Republic Act 10627 o ang Anti-Bullying Act of 2013, na pinirmahan ni dating Pangulong Benigno Aquino III, lahat ng elementarya at high school ay dapat magkaroon ng polisiya upang mapigilan at matukoy ang bullying sa kanilang institusyon.
Anang senadora, nakapaloob sa batas ng bullying, “any severe or repeated use by one or more students of a written, verbal or electronic expression or a physical act or gesture or any combination thereof, directed at another student that has the effect of actually causing or placing the latter in reasonable fear of physical or emotional harm or damage to his property.”
Binigyang-diin ni Poe na ang naturang batas ay nagbibigay ng diskresyon sa administrasyon ng paaralan kung kailan lamang aaksiyunan ang kaso ng bullying.
“Hinahayaan lamang sa kanila kung kailan nila aaksiyunan ang mga ganitong bagay,” ani Poe.
Sa ilalim ng “Mechanisms to Address Bullying” ng batas na ito, sinasabi na:
“If it is determined that bullying or retaliation has occurred, the school principal or the designated school officer or person shall:
(a) Notify the law enforcement agency if the school principal or designee believes that criminal charges under the Revised Penal Code may be pursued against the perpetrator;
(b) Take appropriate disciplinary administrative action;
(c) Notify the parents or guardians of the perpetrator; and
(d) Notify the parents or guardians of the victim regarding the action taken to prevent any further acts of bullying or retaliation.”
“Ito ang dahilan kung bakit sa insidenteng ito, kahit marami na ang video na lumabas, sinasabi ng pulisya na kailangan nilang hintayin ang Ateneo na magsabi at humingi ng tulong sa kanila,” ani Poe.
“At ito rin ang dahilan bakit sinasabi ng administrasyon ng eskuwelahan na kailangan pa nilang alamin kung may bullying na naganap,” dagdag pa niya.
Ayon sa senadora, isang maaaring iamiyenda sa batas ay ang pagtatanggal ng pagpapasyang ito sa mga paaralan.
Iginiit ni Poe ang pangangailangan ng agarang pagtugon sa mga insidente ng bullying.
Maghahain si Poe ng isang resolusyon upang pakinggan ang mga stakeholder para mapag-aralan muli at amiyendahan ang batas. VICKY CERVALES
Comments are closed.