BATAS SA PEDESTRIAN IPATUTUPAD SA MOTORISTA

patnubay ng driver

GOOD day, mga kapasada! ​Kumusta po ang buhay?  Dalangin po ng pitak na ito na kayo ay nasa mabuting kalagayan sa kabila ng ating kinakaharap na pandemya. ​Sa isyu pong ito, mga kapasada, paunang tatalakayin natin ang panawagan ng Public Commuters and Motorist Alliance (PCMA) sa Department of Transportation (DOTr) at local government units (LGUs) na patindihin ang kampanya sa mga motorista na walang paggalang at patuloy na nilalabag ang pedestrian law. ​Ang pedestrian law ay maigting na ipinatutupad sa iba’t ibang panig ng mundo.

​Isa sa mahigpit na nagpapatupad sa naturang batas sa pedestrian ay ang mga lungsod sa United States na kahit walang traffic lights basta’t may guhit na para sa pedestrian, pagkatanaw ng mga driver mula sa malayo ay nagpapabagal ng takbo at humihinto sa tawiran ng tao. ​Pinahihintulutang malayang makatawid ang mga pedestrian tulad ng mga batang mag-aaral, mga senior citizen at mga taong may  kapansanan (PWD). ​Ayon sa grupo, dahil sa maraming reklamona kanilang natatanggap sa patuloy na binabalewala ng mga motorista ang mga pedestrian sa kalsada na nagiging mitsa ng maraming vehicular accident na karamihang nagiging biktima ay mga inosenteng sibilyan.

​Partikular ding tinukoy ng grupo ang mga driver ng traditional jeepneys, vans, taxi, UV Express, trucks at maging ang mga pribadong motorista. ​Duda ang grupo kung may sapat bang kaalaman ang mga driver sa international law na kailangang pagbigyan o hayaang makatawid ang mga pedestrian mayroon man o walang traffic enforcer o traffic light para sa kanilang kaligtasan. ​Kaugnay nito, hiniling ng grupo sa DOTr-LGUs na higit pang patindihin ang kampanya at kung posibleng taasan ang multa higit sa lahat ang pagpapalaganap ng tamang impormasyomg pangkaligtasan kaugnay sa paggalang sa pedestrian laws sa buong bansa. ​Ayon pa sa grupo, bukod sa pagbabalewala sa pedestrian law, ang mga motorista pa ang may ganang mambulyaw sa mga tumatawid bagay na ito ay pagsagka sa kanilang karapatan sa itinatadhana sa batas trapiko.

​Samantala, nanawagan din ang grupo sa lahat ng transport leaders na tutukan ang kanilang hanay at itagubilin sa mga ito na igalang at sundin ang pedestrian law para makaiwas sa multang maaaring ipataw sa kanilang pagiging pasaway. Umaasa ang grupo na bibigyang halaga ng DOTr at mga LGU ang kanilang panawagan upang maiwasan ang aksidente na ang karaniwang biktima ay mga tumatawid na batang mag-aaral, mga senior citizen at ang mga taong may taglay na kapansanan sa katawan (PWD).

TUTOL ANG TRANSPORT GROUP SA ‘NO CONTACT’ APPREHENSION

​Matindi ang paninindigan ng transport group sa kanilang ‘di pagsang-ayon sa panukalang No Contact Apprehension Policy o NCAP lalo na ngayong panahon ng pandemya. ​Kaugnay nito, nakiusap si Leonardo de Leon Jr., pambansang pangulo ng #LABAN TNV5, kay Quezon City Mayor Joy Belmonte at mga konsehal ng lungsod na nagsusulong na maging City Ordiunance ang NCAP na pag-isipang mabuti ang nasabing patakaran bago ito maisabatas. ​Ang naturang ordinansa ay nasa ikatlong pagbasa at kung hindi mapagbibigyan ang kahilingan ng mga transport group sa pangunguna ng #LABAN TNVS ay magiging batas na ito at agad na ipatutupad. ​Ayon sa grupo, ang kanilang kahilingan ay “morally, financially and consideration” kay Mayor Belmonte at mga konsehal ng lungsod na ipagpaliban muna ang nasabing panukalang city ordinance.​ ​Bilang protesta, nagsagawa ng caravan ang grupo hanggang sa harap ng city hall upang ipaabot nang personal ang kanilang apela kay Mayor Belmonte at mga miyembro ng konseho ng lungsod kamakailan. ​Sinabi ng grupo na tulong ang kailangan ng mga public transportation driver at operator at hindi dagdag pahirap.  ​Naniniwala ang grupo na lubhang makaaapekto sa pamumuhay ng mga nasa industriya ng transportasyon, partikular ang mga naghihikahos na mga driver sa P2,000 hanggang P4,000 panukalang multa na nakapaloob sa ordinansa sa oras na ipatupad ito. ​Inilahad pa ng grupo na kita naman ng lahat at bukas na katotohanan sa halos lahat ng social media platform, mga media outlet, television, pahayagan, radio, mga online news ang mga driver ay napipilitang mamalimos sa kalsada kahit labag sa kalooban ng mga ito na dahil sa kawalan ng kita para maitaguyod ang panghapag kainang pangangailangan ng mag-anak. ​Umaasa ang grupo ni De Leon na pakikinggan ang kanilang apela sa nakatakda nilang pakikipagdiyalogo kay Mayor Belmonte.

PANGHANAPBUHAY NA GANAP ANG MC SA PANAHON NG PANDEMYA

​Sa panahon ng pandemya, ang paglabas-labas sa tahanan ay lubhang ipinagbabawal sa  bawat pamilya lalo na kung ang kanilang pook ay nasa estado ng Enhanced Community Quarantine (ECQ), Modified Enhanced Community Quarantine (MECQ) o kaya ay sa granular lockdown lalo na sa pagsakay sa mga  passenger vehicles dahil sa mahigpit na ipinatutupad na protocols ng Inter-Agency Task force (IATF) upang maiwasan ang pagkahawa at makahawa ng nakamamatay na sakit dulot ng COVID-19 pandemic. ​Sa ganitong pagkakataon, naging popular version ng mga sasakyan na karaniwang gamit ng mga mamamayan ang serbisyong motorcycle  bilang pansariling gamit, at maging ng mga establisimiyento na nakatalaga sa mga food chain at iba pang nangangailangan ng  transportasyong magagamit sa pagpapadala sa kanilang mga kliyente o mga kamag-anak.

​LAGING TATANDAAN:  UMIWAS SA AKSIDENTE UPANG BUHAY AY BUMUTI. ​HAPPY MOTORING!

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *