BATAS SA ‘ROAD ACCIDENT’ PINABABAGO

road accident

BUKOD sa hindi na umano akma sa kasalukuyang panahon, hindi rin umano patas sa ‘law-abiding drivers’ ang umiiral na batas patungkol sa pagkakaroon ng aksidente sa mga lansangan sa bansa kung kaya iginigiit ng isang Mindanaoan lawma­ker na ito ay baguhin na.

Sa kanyang House Bill 1987 o ang Philippine Responsible Driving and Accountability Act, iginiit ni Iligan City Rep. Frederick Siao na dapat maprotektahan ang mga drayber na wala namang kasalanan at iyong talagang nagkamali sa isang aksidente sa daan ang siyang maparusahan.

Base umano sa kasalukuyang land transportation and traffic rules, ang nagmamaneho ng sasakyan na nasangkot sa pagkasagasa sa pedestrian o nakabangga sa iba pang behikulo ay itinuturing na nagkasala at ang masaklap pa ay ikinukulong agad kahit wala pang kaukulang imbestigasyon na isinasagawa.

“Here in this country, if you are a driver who follows the traffic laws but you encounter another motorist or a pedestrian who does not care about those laws and basic courtesy and safety on the road, you are the one who gets charged with the crime of reckless imprudence resulting in either death, injury, or damage to property. HB 1987 seeks to overturn that,” tahasang sabi pa ni Siao.

Bunsod nito, sa kanyang inihaing panukalang batas, nais ng kongresista na malibre sa anumang pagkakasala ang drayber kung ang biktima ng road accident ay nasa ilalim ng impluwensiya ng alak at ipinagbabawal na gamot.

Gayundin kung ito ay wala sa tamang tawiran, at kung ito’y bicycle o motorcycle rider, ay hindi naka­suot ng itinakdang ‘safety gear at devices’ o nakasuot ng ‘dark clothing’.

Dagdag pa ni Siao, malilibre sa kaso ang drayber kung ang kanyang nabanggang motorcycle, bicycle, o tricycle ay bumabagtas sa national highway, umaandar sa mas mababa sa minimum speed limit at wala sa rightmost lane ng kalsada.

Kapag kapwa drayber naman ang biktima, ang una ay maaabsuwelto kapag napatunayan na ang huli ay wala sa right of way ng kalsada sa eksaktong oras ng aksidente.

Hindi rin umano dapat maituring na may pagkakasala ang drayber kung hindi naman nitong tinakbuhan ng ‘accident scene”, siya ay nakaranas ng medical emergency gaya ng heart attack, asthma attack, diabetic shock at iba pa nang maganap ang aksidente.

Giit ni Siao, dahil sa makabagong teknolohiya, magiging madali na rin ang pagtukoy sa kung sino ang tunay na may kasalanan sa isang aksidente sa daan gaya ng pagkakaroon ng CCTV at dash cam kung kaya marapat lamang na maging ‘updated’ na rin ang land transportation at traffic rules ng Filipinas. ROMER R. BUTUYAN

Comments are closed.