IMINUNGKAHI ni Lawyers for Commuters Safety and Protection (LCSP) founder Atty. Ariel Inton sa Land Transportation Office (LTO) na isama sa curriculum ng mga high school student ang usapin sa batas trapiko.
Sa ginanap na weekly Busina media forum sa Quezon City, sinabi ni inton na makabubuting makipag-ugnayan ang LTO sa Department of Education (DepEd) para mapag-aralan at mailagay ito sa curriculum ng mga mag-aaral.
Bukod dito, nais din ni Inton na makatulong ang Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) sa pagtuturo ng training sa road safety at driving ng anumang sasakyan.
Ginawa ang rekomendasyon sa gitna ng panibagong polisiya ng LTO na naghihigpit sa mga nag-aapply ng driver’s license kung saan kinakailangan munang sumailalim at pumasa ang mga aplikante sa 15-hour theoretical driving lesson mula sa anumang accredited driving school na pinaplanong simulan sa Abril 6, 2020.
Nakikita ni Inton na posibleng madehado na naman ang publiko sa ilang plano ng LTO gaya na lamang ng pag-e-enroll ng mga nagnanais mag-apply ng driver’s license sa mga accredited private driving school.
Hindi rin, aniya, sinisilip ng LTO kung nakapasa o bumagsak ang isang nag-apply ng driver’s license kung kaya mahirap pagkatiwalaan ang naturang accredited private driving shools.
“Sa tingin ninyo may babagsak sa mga nag-enroll sa private driving schools? Kapag may ibinagsak sila, wala nang mag-e-enroll diyan,” sabi pa ni Inton.
Nabatid na matapos na makakuha ang aplikante ng student’s permit, kinakailangan pa nitong sumailalim sa panibagong 8-hour practical driving sa ilalim ng pangangasiwa ng LTO personnel bilang paghahanda sa pag-iisyu ng non-professional driving’s license. BENEDICT ABAYGAR, JR.
Comments are closed.