AAMYEMDAHAN ni Senadora Imee Marcos ang labindalawang taon ng Anti-Terrorism Law para maisama ang digital, transnational at iba pang umuusbong na uri o klase ng terorismo.
Sa Senate Bill 630 na inihain ni Marcos, magiging major offenses na ang dating tinatawag na predicate crimes at papatawan ng habang buhay na pagkabilanggo o posibleng parusang kamatayan para magkaroon pa ng mas matinding ngipin ang Human Security Act of 2007.
Kasama na rin sa may karampatang parusa sa Marcos bill ang cyber attack sa mga computer system at obligado ang system providers na isiwalat ang mga impormasyon ng kanilang mga customer sa mga awtoridad.
Sinabi pa ng senadora, gawaing terorismo na rin ang pangangalap ng mga miyembro sa teroristang grupo at pakikisimpatya sa mga marahas na gawain na sanhi ng gulo at panic sa publiko at sa gobyerno, personal man o sa pamamagitan ng media.
Ang paggamit ng mga “chemical, biological, radiological at nuclear material” sa paghasik ng lagim ay terrorist acts din na tugma sa layunin ng mga international agreements, dagdag ni Marcos.
Nakasaad din sa panukala, babawian ng lisensya, pananagutin sa batas at ipasasara ang anumang Educational institution na mapatutunayang sangkot sa pagdodoktrina o pagtuturo ng terorismo.
Nakapaloob din sa Senate Bill 630 na may kapangyarihan ang Anti-terrorism Council na magpa-isyu ng hold-departure order laban sa mga suspek o hinihinalang mga terorista at magkaroon ng otorisasyon na mabuksan ang kanilang mga bank account.
Ipinanukala rin ni Marcos na huwag nang ipa-cover sa media ang mga hostage-taking incident para maprayoridad ang seguridad bansa at makadiskarte ng maayos na solusyon ang mga awtoridad para di na maulit ang pagkapahiya ng bansa sa buong mundo sa sinapit ng Luneta Hostage crisis.
Saklaw rin ng bill na parusahan ang sinumang Pinoy o dayuhan na masasangkot sa anumang mga bayolenteng gawain sa loob ng bansa kahit pa ang pagpaplano ng terorismo ay ginawa sa labas ng bansa. VICKY CERVALES
Comments are closed.